Dalawa katao ang nasawi at isa pa ang sugatan matapos salpukin ng isang kotse ang dalawang tricycle sa Pilar, Bataan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo ng gabi sa national road sa Barangay Alauli .
“Yung dalawang tricycle na papuntang flyover nasa inner lane, tapos dumaan sa humps kaya nag-slow down yung dalawang tricycle. Yung driver ng (kotse) mabilis yung takbo niya hindi siya nag-slowdown kaya natamaan niya yung isang tricycle. Pagbangga niya doon, nabangga niya na rin yung tricycle sa harap niya,” ayon kay PSSG Paulo Morada, investigator on case, Pilar Police Station.
Nasawi ang driver at pasahero ng isa sa mga tricle, habang sugatan ang driver ng isa pang tricycle.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng kotse na wala pang pahayag, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
