Imbes na karaniwang road o warning sign, kabaong ang ginamit na babala at paalala ng isang barangay para sa mga motorista para mag-ingat sa pagmamaneho sa Benguet-Nueva Vizcaya Road sa Barangay Ambuklao sa Bukod, Benguet.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing sa ilalim ng puting kabaong, may nakasaad na mensahe para sa mga motorista na: Ingatan ang nag-iisang buhay, magmaneho nang mahusay.”

“Kapag galing ka sa Vizcaya, medyo paahon nang konti lang. Kasi approaching the bridge kasi ‘yon. Kapag galing ka naman dito sa may Ambuklao dam, pababa siya,” ayon kay Brian Dalilis, kagawad sa Barangay Ambuklao, patungkol sa lugar.

Nang tanungin kung may nangyari nang aksidente at namatay sa lugar, sinabi ni Dalilis na mayroon na at may mga sasakyan na nahulog.

Nitong Biyernes lang napagpasyahan ng konseho ng barangay na ilagay ang kabaong na babala sa pakurbang bahagi ng daan.

Pero nilinaw ni Dalilis na hindi pananakot ang motibo ng barangay sa paglalagay ng ataul kung hindi magsilbing paalala sa mga motorista sa kahalagahan ng buhay kaya dapat mag-ingat sa pagmamaneho.

Bagaman hindi maiiwasan na may matakot sa mga makakakita sa kabaong, sinabi ni Dalilis, “Isa lang naman yung mithiin naming doon, yung magising sana sila sa mga pagbiyahe nila para ingatan nila…” – FRJ GMA News