Sa paglalako ng cotton candy, proud na napagtapos ng isang ama ang kaniyang dalagang anak ng kursong Legal Management sa isang kilalang unibersidad. Ang anak, proud na proud din sa kaniyang ama.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Andriana Joy F. Nepacina, na nagtapos noong Hunyo 20 sa Ateneo de Manila University.

Anak siya nina Amorlito Nepacina, dating janitor, at ni Diana, na isang school staff.

Dahil maselan noon ang pagbubuntis ni Diana, kailangan niyang tumigil sa pagtatrabaho. Kaya naman si Tatay Amorlito na ang nagdoble-kayod, na suma-sideline sa pagtitinda ng cotton candy pagkatapos ng trabaho niya sa paaralan.

Pagkadating ni Andriana sa kanilang buhay, wala na silang ibang pinangarap kundi ang mapagtapos ito ng pag-aaral upang hindi matulad sa kanila.

Malaki ang pasasalamat ni Amorlito sa natanggap niyang benepisyo mula sa pinagtatrabahuhang private school bilang janitor dahil nalibre na ang kaniyang anak sa tuition fee sa high school.

Si Andriana, lumaki na mulat sa kaibahan ng kaniyang estado sa buhay at kaniyang mga kamag-aral. Kung hatid-sundo ng school service ang mga kaklase niya, sa kariton ng cotton candy naman ng kaniyang ama nakasakay si Andriana.

Dahil walang laptop, sa computer shop din niya ginagawa ang kaniyang mga homework.

Sa kabila nito, hindi kailanman ikinahiya ni Andriana ang trabaho ng kaniyang ama.

“Laking pasasalamat ko po. Kasi kung hindi rin po dahil sa pagtitinda niya, pagbubuhos ng oras niya para sa pagtitinda, wala rin naman po ako kung nasaan ako ngayon,” sabi ni Andriana.

Paka-graduate ng high school, naging dream school ni Andriana ang Ateneo de Manila University dahil na rin sa kaniyang idolo na si Alyssa Valdez.

“Grade 6, naging fan po talaga ako ni Alyssa Valdez. Parang du’n po nagsimula ‘yung pangarap ko na gusto po mag-aral sa eskwelahan na ‘yun,” sabi niya.

Pero para kay Amorlito, batid niyang imposible ang nais ng anak noong una.

“Parang hindi po kaya na paaralin dahil isa po akong janitor, isa po akong nagtitinda lang. Parang hindi po sumagi sa isip ko na mapaaral po siya sa malaking school,” sabi niya.

“Unang reaksyon nila na masasayang lang 'yung P650 namin kasi kahit naman po makapasa ako doon, wala naman po silang kakayahan na paaralin ako doon,” sabi ni Andriana patungkol sa magiging bayad sa entrance exam.

Ngunit desidido si Andriana sa kaniyang pangarap at nangakong mag-a-apply ng scholarship kung sakaling makapasa siya sa unibersidad.

Dahil sa pagpupursigi ng anak, nagdesisyon si Amorlito na magtinda ng maraming cotton candy para sa P650 na entrance exam fee ng anak.

Mas matamis naman sa cotton candy ang naging balik nito sa kanila. Dahil hindi lang nakapasa si Andriana sa kursong legal management, nakakuha pa siya ng scholarship.

Ngunit kahit may scholarship ang anak, todo-kayod pa rin si Amorlito sa magtinda para mapunan ang iba pang gastusin ng anak sa kolehiyo.

Hindi biro ang naging adjustment ni Andriana sa unibersidad.

“Noong una po, sobra po akong na-culture shock. Hindi ko po alam if belong po talaga ako doon,” sabi ni Andriana.

“Every time po na yayayain po nila ako kumain with them, tinatanggihan ko po sila. Para lang po makasama ako, sinasalo po nila ako na sila na lang po munang magbayad,” kuwento niya.

Makaraan ang ilang taon, narating din ni Andriana ang tuktok ng kaniyang pangarap, nang makapagtapos na rin siya sa pinangarap niyang unibersidad.

“Sobrang proud po, wala po akong masabi sa ngayon,” sabi ni Amorlito.

“Sobrang laking bagay po ng pagtitinda ni papa ng cotton candy sa buhay ko. Sabi ko nga po sa post ko na bawat supot ng cotton candy, ‘yun ang naging rason kung bakit nakuha ko 'yung diploma ko ngayon,” sabi ni Andriana. – FRJ GMA News