Isang 13-anyos na binatilyo ang nasawi matapos madaganan ng isang basketball goal habang kasama ang dalawa pang menor de edad sa loob ng isang hindi pa tapos na covered court sa Magalang, Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabi ng mga awtoridad na nangyari ang insidente sa covered court sa Barangay San Isidro, na hindi pa natatapos at hindi pa naipapasa sa mga opisyal ng barangay.
Ayon sa pulisya, pumasok umano ang tatlong menor de edad sa nakabakod na pasilidad bago umakyat sa basketball goal. Nakabitin umano ang biktima sa ring habang inaalog nilang magkakasama na dahilan upang mawalan ng balanse at bumagsak ang basketball goal.
"Sa initial investigation namin, may tatlong menor de edad na pumasok doon sa covered court na hindi pa tapos at hindi pa naiti-turn over sa Barangay San Isidro," ayon kay Police Lt. Col. Fercel Deloria, hepe ng Magalang Police Station.
Sinabi naman ni Barangay Chairman Rodolfo Banal na kasalukuyan pang ginagawa ang covered court at hindi pa ito bukas sa publiko.
"Ang totoo po nito, ito po ay nakabakod pa po ng yero. Binuksan po nila 'yung yero kaya pumasok sila, nilaro 'yung court, 'yung moveable court. Hindi pa talaga po tapos 'yung court kasi 'yung daanan pa pinapagawa ko pa. One week pa bago buksan," sabi ni Banal.
Ayon kay Deloria, nakabitin ang biktima sa ring nang bumagsak ang basketball stand.
"Pumasok sila sa mismong lugar at umakyat sila sa basketball stand. Parang silang tatlo, inalog nila ang mismong ring ng court. Eventually, iyong isa ay nag-hang sa mismong ring. Kumapit siya roon gamit ang kaniyang mga kamay, at doon bumagsak ang basketball stand," anang opisyal.
Ayon naman sa tiyahin ng biktima, kagagaling lamang ng bata sa simbahan bago sumama sa iba pang bata upang maglaro sa covered court
"After niya magsimba, dumaan siya doon sa basketball na iyon. Tapos may mga tao talaga doon, may mga naglalaro doon, kaya pumasok din siya para maglaro. Naglambitin siya,” ayon sa tiyahin na si Aslimah Panggaga.
“Kung maayos lang ang pagkakagawa ng basketball ring na iyon, hindi matutumba. Wala kasing pampabigat sa baba ng basketball ring. Nananawagan po kami na mabigyan po ng hustisya 'yung pamangkin ko sa nangyari," dagdag niya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.– FRJ GMA News
