Binalikan ni Nova Villa ang nakakakilig na pangyayari nang makita niya sa unang pagkakataon at makatitigan ang isang aktor na naging daan para makapasok siya sa showbiz—si Fernando Poe Jr. Anang veteran actress, nangyari iyon noong 14 o 15-anyos lang siya at naghihintay sa canteen. Niligawan nga ba siya ng hari ng Philippine movies? Alamin ang sagot ni Nova.

Sa nakaraan niyang guesting sa online showbiz talkshow na “Your Honor,” ikinuwento ni Nova na nagsimula ito nang yayain siya ng kaibigan at kapitbahay niyang komedyante na si Chichay, na pumunta sa Premiere Productions, na sikat noon na production company.

“Hindi ko naman alam ‘yun, hindi naman ako artista. Hindi ko na alam 'yung mga production. And I was 15 or 14 something years old,” kuwento ni Nova.

Pagpunta nila roon, iniwan umano siya ni Chihay sa canteen.

“So, nakaupo akong ganiyan. Dito sa left side, pintuan ng canteen. May malaking gate na mahaba diyan. Kaya ‘pag bumubukas 'yung pinto, 'yung gate, may pumapasok. Gumaganiyan (sumisilip) ako,” patuloy niya.

Hanggang sa bumukas ang gate at may dumating na magandang kotse na artista ang sakay.

“May puting auto na Cadillac. 1968 model. Ang haba. Tapos, ‘Sino kaya ‘yun?’ Ganiyan. Siyempre, nanonood naman ako ng mga pelikula. Tapos, nakaganiyan ako (sumilip sa kotse). Sabi nu’ng driver (tumingin pabalik),” ani Nova.

Hanggang sa makita na raw ni Nova ang driver ng kotse na walang iba kung hindi si FPJ, na sikat na noon na aktor.

“‘Di pareho kami nakaganiyan (nagkakatinginan na nakatungo ang ulo at sumisilip). Nagtitinginan, nu’ng titigan ko, ‘Ang guwapo naman nu’n. Ay! Si Fernando Poe Jr.!”

Dahil dito, umiwas ng tingin si Nova dahil nahiya siya, habang dumiretso naman si FPJ sa loob.

Maya-maya lang, dumating na ang kaibigan niyang si Chichay, kasama ang production manager ni FPJ na si Ben Esteva.

Ayon kay Nova, tinanong siya ni Esteva kung gusto niyang mag-artista.

Agad nang sinunggaban ni Nova ang pagkakataon, “Opo,” tugon niya na may kasamang hiya.

Ngunit ikinabigla daw ni Nova nang sinabi sa kaniya ni Esteva na kinabukasan na agad ang kaniyang shooting.

Nang tanungin ni Nova ang kaniyang role, lalo pa siyang nabigla nang sabihin sa kaniya ng manager na, “‘Kapatid mo si Jay Ilagan. Magkakagusto sa'yo si FPJ.’”

Paglalarawan ni Nova, “Shock to death! Tulala na ako.”

Muling pinagnilayan ng veteran actress ang kaniyang naging kapalaran na maging bahagi ng showbiz.

“At the end, sometimes nag-a-analyze ka as a person. Ba't ganito ang buhay ko? Bakit ako naging artista? Meron tayo y’an. Ano ba ang talaga? Lord, ano bang purpose? Purpose. Ano bang purpose ko? Meron tayong ganiyan. So, we don't know kung anong binigay na kapalaran sa iyo,” paliwanag niya.

“Pero eventually, magtatanong ka rin kay Lord, ‘Bakit ako doktor? Bakit ako artista? Bakit gustong-gusto ko manggamot ng tao?’ Kahit kung minsan naglalaro lang kayo. ‘Okay, ako doktor.’ Ginagaya mo ang mga doktor. Eventually, naging doktor ka na,” patuloy niya.

Saad ni Nova, kapalaran talaga niya na maging artista.

“Hindi ko alam pero yun talaga 'yung gusto ko eh. I want to be an actress. I want to be in showbiz. After the ‘Daniel Barrion’ movie, I already signed contract under FPJ,” dagdag niya.

Sa naturang episode, “Your Honor” tinanong si Nova kung may katotohanan ba ang usap-usapan noon na niligawan siya ni FPJ. Alamin sa video ang tugon ng batikang aktres. Panoorin —FRJ GMA News