Isang pulis at isang sibilyan ang nasawi sa nangyaring pamamaril sa parking area ng isang resort sa Maragondon, Cavite nitong Miyerkoles ng umaga. Ang suspek na naaresto, pulis din.

Sa inilabas na pahayag ng Cavite Police Provincial Office, sinabing may ranggong staff sergeant ang nasawing pulis. Isa pang pulis na may ranggong corporal ang sugatan.

Nadakip naman ang 35-anyos na suspek na isa ring pulis at may ranggong corporal na nakatalaga sa Trece Martires Component City Police Station.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na nangyari ang krimen dakong 1:30 a.m. Paalis na umano ang mga sangkot sa insidente nang nagkaroon ang mga ito ng mainit na pagtatalo sa parking area na nauwi sa pamamaril.

Nasa kustodiya ng Maragondon Police Station ang suspek.

Nagtungo rin sa lugar si Cavite Provincial Director Police Colonel Ariel Red nang malaman niya ang mangyaring insidente.

“This is a serious incident, especially with police personnel involved. I personally went to the area as soon as I was informed to make sure that all actions were being taken properly,” ani Red.

“We will follow the process, preserve the evidence, and let the investigation establish the facts. No one is above the law, including members of the PNP,” dagdag. — FRJ GMA News