Isang lalaking Madrasah teacher ang binaril at napatay matapos manggaling sa isang mosque sa Barangay Talomo Proper, Davao City nitong Linggo ng gabi, August 16, 2026.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabi ng isang residente na nakarinig sila ng ilang putok ng baril at nakitang nakahandusay at duguan sa daan ang 58-anyos na biktima.

“Galing siya sa masjid nag salah, pagpunta niya dito, paglingon niya, pagganyan, isang tao, walang ibang nagtambang kundi ‘yun lang, so limang bala dito napunta,” ayon sa residente.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang suspek at malaman ang motibo sa krimen.

“Maestro siya sa madrasah at dito mismong address niya. Until now, we are still conducting follow up investigation especially unidentified ang suspect,” ayon kay Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson, Polcie Major Ma. Teresita Gaspan.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima.—FRJ GMA News