Natatangi ang isang klase ng palaka sa San Fernando, La Union na “kengkeng” kung tawagin dahil mistula itong baka kung umatungal kahit na maliit. Bagaman panalo raw sa lasa kapag niluto, ligtas kaya itong kainin? Alamin.
“Ang palakang ito ay medyo punggok at hindi kalakihan. Meron siyang magandang kulay na light color na markings na doon sa kaniyang likod at matulis ang kaniyang nguso. Ito ay nag-i-inflate pagka nagambala mo, lumalaki 'yung kaniyang katawan. Malaking-malaki, lumulobo siya,” paliwanag ni Dr. Romulo Bernardo, zoo and wildlife veterinarian, sa programang “I Juander.”
Kilala rin ang Kengkeng bilang Asian Painted Frog, Banded Bullfrog o Chubby Frog.
Ang social media content creator na si Charlene Ong, nilalantakan ang mga kakaibang pagkain tulad ng palakang Kengkeng.
Kuwento niya, 13-anyos pa lang siya nang una niyang matikman ang Kengkeng.
Sa paghuli ng palakang Kengkeng, sinabi ni Chacha na kailangan ang mabilis at dumapa kung kailangan.
“Bale, 15 years ko na siyang kinakain. Adventurous talaga ako pagdating sa mga exotic foods, kaya pinasok ko talaga 'yung pagiging content creator. Sa lahat ng natikman ko na exotic foods, 'yung Kengkeng 'yung pinaka nagustuhan ko, kaya ‘yun 'yung naging paborito ko,” sabi ni Cha.
Sa kabila ng mga babala na mapanganib ang kakaiba niyang food trip, hindi takot si Cha na kumain ng Kengkeng.
“Sinasabi nila, nakakadiri o kaya poisonous daw ‘yan, bakit ko kinakain. Pero hanggang ngayon okay naman ako kaya hindi naman siguro poisonous ang Kengkeng. Basta tama ‘yung proseso niya,” sabi niya.
Ayon sa isang nutritionist at dietician, maituturing ang palaka na isang lean source of protein o pagkaing mayaman sa protina ngunit mababa sa taba.
“It only has about 2 grams of fat per 100 grams edible portion compared to beef na merong around 20 grams of fat per 100 grams edible portion. Halos 10 times fold 'yung difference ng fat content ng palaka compared to beef,” sabi ni Genesis Rivera RND, nutritionist at dietician.
May paalala naman ang ilang eksperto kaugnay ng pagkain ng mga palaka.
“Meron talaga mga exotic food like frogs that are edible, can be eaten by anyone. Tulad ng mga karaniwang pagkain that we prepare, kung hindi malinis ang pagkaka-prepare at hindi natin nalutong mabuti, this could also pose risk of foodborne illnesses,” sabi ni Elsie Gatpayat, FSCO, food safety expert. – FRJ GMA News
