Isa sa mga agaw-pansin sa balat, lalo na sa mga kababaihan, ang pagkakaroon ng stretch marks o kamot sa katawan. Sa isang episode ng "Pinoy MD," sinagot ni resident dermatologist na si Dra. Jean Marquez ang tanong kung may paraan pa ba para matanggal ito.
Ayon kay Dra. Jean, hindi totoo na wala nang lunas o gamot ang "kamot."
Paliwanag niya, isa sa mga mabisang paraan ngayon para maalis ang stretch marks ay ang laser procedure.
"Marami na rin po tayong magagawa sa stretch marks. Unang-una yung mga ipinapahid, hindi talaga 'yan completely na makakahilom, maaari lang mapi-prevent yung further irritation o pangangati. Pero its not enough para mawala ang marks," paliwanag niya.
Dagdag ni Dra. Jean, may iba't ibang laser procedure na ngayon na mabisang paraan para mawala ang mga stretch marks pero dapat umanong pag-aaralan kung ano sa mga proseso na ito ang dapat piliin tulad ng Q-switched Laser at Ablative Laser.
Paliwanag pa niya, may mga laser procedure na makararamdam ng bahagyang sakit at mayroon din nagiging sanhi ng pagtutuklap ng balat pero maaaring nagdudulot ng pangingitim ng balat.
Ang pinakanirerekomenda ni Dra. Jean ay ang proseso na tinatawag na "carboxytheraphy."
Panoorin ang buong paliwanag ni Dra. Jean kung papaano ginagawa ang prosesong ito:
Click here for more of GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
