Umiitim ba ang leeg mo gayung hindi ka naman buntis? Baka hormonal changes ang dahilan niyan.
Sa programang "Pinoy MD," binigyang kasagutan ng resident dermatologist na si Dra. Jean Marquez ang ilang mga katanungan ng netizens tulad ng pangingitim ng leeg.
Ayon kay Doc Jean, karaniwang hormonal changes ang dahilan ng pangingitim ng leeg, na tinatawag na Acathosis Nigricans.
Nakikita raw ang ganitong kondisyon sa mga matatabang tao dahil sa mataas ang kanilang insulin level at naiipon ang pigments at makikita sa leeg, singit at kilikili.
Sa ganitong sitwasyon, kailangan na mag-diet ang tao at panatilihin ang nararapat na timbang ng kaniyang katawan.
Pero makabubuti rin umanong kumonsulta sa duktor dahil baka may endocrine problems ang taong maitim ang leeg.
Ang makakapal na pangingitim ng balat na makikita sa matataba na tinatawag na Acanthosis Nigrican ay kailangan na umanong ipatingin sa dermatologist para sa kailangang gamutan.
Ang ibang posibleng dahilan umano ng pangingitim ng leeg ay allergy na maaaring dahil sa kuwintas o reaksyon ng balat sa gamot.
Panoorin ang buong video at alamin ang iba pang payo ni Doc. Jean tungkol sa maagang pamumuti ng buhok, eczema, at ring worms.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
