Sa isang editoryal kamakailan ng New York Times, idinamay nila si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sinisisi sa nangyaring kaguluhan sa Marawi City dahil sa ginawang pagsalakay teroristang grupong Maute.
Saad sa naturang lathalain ng New York Times na may titulong, “How ISIS Grew in the Philippines" nitong Hunyo 15, tinukoy nila ang pagiging arogante umano ni Duterte.
“Mr. Duterte’s braggadocio is partly to blame for the escalation of the conflict,” saad sa naturang editoryal para sabihing kasama ang Punong Ehekutibo sa mga dapat sisihin sa nangyari sa lungsod.
Binalikan ng NY Times ang naging pahayag ni Duterte noong nakaraang Disyembre na hinamon niya ang Maute na gawin ang banta na susunugin ang Marawi.
Ayon sa dayuhang pahayagan, na kilalang kritikal sa kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga, dapat simulan daw muli ng pamahalaan ang pakikipagnegosasyon sa mga militanteng grupo.
Wala rin umanong maitutulong ang “strongman tactics” ni Duterte sa banta nitong palalawakin pa ang batas militar sa buong bansa dahil nito malutas ang mga problema sa Mindanao gaya ng kahirapan, kawalan ng batas, paglaganap ng mga kriminal, masikip na piitan, na sinasamantala umano ng “Islamist recruiters.”
“The most urgent need now is to ratchet down the fight in Marawi and press Mr. Duterte to restart negotiations with militant groups,” ayon sa pahayagan.
Sinabi pa nito na habang ipinagyayabang umano ng pangulo ang brutal na giyera sa droga, pinalakas naman umano ng Islamic State (ISIS) ang ugnayan sa Islamist rebel groups sa Mindanao.
Lubha na umanong nakaalarma ngayon ang ISIS dahil sa nangyari sa Marawi.
Dati nang inakusahan ng Palasyo na bahagi ng demolition job ang NY Times para matalsik sa kapangyarihan si Duterte dahil sa inilabas nilang istorya tungkol sa war on drugs ng pangulo.
“NYT’s very obvious demolition work flies in the face of the very high approval of PPRD enjoys . The newspaper tries to stir global outrage in a nation that welcomes its newfound peace and order,” saad noon ni presidential spokesperson Ernesto Abella sa isang pahayag.
Pero may basehan nga ba para idamay sa sisi si Duterte sa nangyari sa Marawi gaya ng puna ng NY Times? – FRJ, GMA News
