Maliban sa hilig niya sa pagbabasa at pagsusulat, interesado rin ang Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal sa mga likas-yaman gaya ng mga halaman at mga hayop. Katunayan, isang kulisap at dalawang maliit na hayop ang nadiskubre niya at ipinangalan sa kaniya.
Nang ipatapon ng mga Espanyol si Rizal sa Dapitan magmula 1892 hanggang 1896, nakahiligan niya ang mangolekta ng iba't iba't halaman, kulisap, hayop, at maging mga kabibe.
Ilan sa mga ito na kakaiba sa paningil ng mga residente noon ang ipinadala niya sa mga kaibigang scientist sa Germany partikular sa Dresden.
Tatlo sa mga ito ang idineklarang bagong tuklas na species at ipinangalan nila kay Rizal.
Ito ay ang Apogonia rizali (isang uri ng salagubang); ang Rachophorus rizali (na isang uri ng palaka) at Draco rizali (na isang uri ng bubuli o lizard). -- FRJ, GMA News
