Tumataas umano ng 40 porsiyento ang posibilidad ng heart attack, stroke at iba pang komplikasyon sa puso ang pagkakaroon ng shingles o kulebra, ayon sa isang pag-aaral ng Korean researchers. Pero ano nga ba ang kulebra?

Sa ulat ng Reuters,  sinabi ni Dr. Sung-Han Kim ng Asian Medical Center sa Seoul sa isang e-mail, na maaari namang maiwasan ang shingles sa pamamagitan ng bakuna.

Ang shingles na dulot ng herpes zoster, ay virus na nagdudulot din ng chickenpox o bulutong.

Dapat umanong kumonsulta sa duktor kung papaano makaiiwas sa shingles “until further studies elucidate the effect of vaccination on cardiovascular outcomes,” sabi pa ni Kim.

Pinag-aralan ni Kim at ng kaniyang mga kasamahan ang mga medical record ng mahigit 23,000 pasyenteng may shingles mula 2003 hanggang 2013, at ikinumpara nila ito sa parehong bilang ng mga pasiyenteng walang shingles.

Lumabas sa kanilang pag-aaral na kadalasang kababaihan ang tinatamaan ng shingles at mga taong may komplikasyon sa puso, tulad ng high blood pressure, high cholesterol, diabetes at katandaan.

Hindi sila gaanong naninigarilyo at umiinom ng alkohol, nag-e-ehersisyo at nasa mas mataas na socioeconomic class, ayon sa report ng Journal of the American College of Cardiology.

Matapos ang pag-adjust para sa mga ito at iba pang dahilan ng problema sa puso at stroke, nalaman ng mga mananaliksik na ang pagkakaroon ng shingles ay may kaugnayan sa 41 porsiyentong pagtaas ng problema sa puso, 35 porsiyentong pagtaas ng posibilidad ng stroke, at 59 posibilidad ng heart attack.

BASAHIN: Mga palatandaan ng heart attack at paano ito maiiwasan

Ang posibilidad din ng stroke ay mataas sa mga taong may edad 40 o mas mababa, na may 3.74 beses na mas mataas na posibilidad, kumpara sa mga taong walang rekord ng shingles.

Samantala, mataas din ang posibilidad ng stroke at heart attack sa unang taon matapos ang pagkawala ng shingles.

Sinabi ni Kim na kailangang mapaalalahanan ang mga pasyente at duktor tungkol sa pagtaas ng peligro tungkol sa shingles, bagama't kailangan pa ng mga karagdagang pag-aaral upang malaman ang kaugnayan ng virus sa mga nabanggit na kondisyon sa kalusugan.

Pahayag naman ni Lee Schwamm, vice chair of Neurology sa Massachusetts General Hospital sa Boston, na may kaugnayan rin ang pamamaga. “We’ve known for a long time that there is an interplay between inflammation and clotting,” sinabi niya sa isang phone interview sa Reuters Health.

Sinabi ni Schwamm na kapag nagkaroon ang isang tao ng shingles, ang virus ay maaaring dumaan sa balat at atakihin ang mga blood vessels at ilang ugat. Ang mga namamagang blood vessels ay maaaring magdulot ng blood clot, na magreresulta ng heart attack o stroke.

Ang pamamaga rin ay maaaring magresulta ng matinding pananakit na tinatawag na post-herpetic neuralgia, na may kasamang kulebra.

“There’s no definitive proof of the relationship between inflammation and clotting, but the evidence is growing and it’s very intriguing,” ani Schwamm. “And it emphasizes the value of trying to prevent shingles in the first place by getting vaccinated.”

Dagdag pa ni Schwamm, hindi pa tiyak kung mababawasan ang peligro sa pamamagitan ng paggamot sa shingles.

Sinabi naman ni Dr. Talia Swartz, assistant professor of infectious diseases sa Icahn School of Medicine sa Mount Sinai sa New York City, na ang resulta ng pag-aaral ay tumutugma sa mga nauna nang pag-aaral na nag-uugnay ng kulebra sa heart attack at stroke.

Inamin naman ni Swartz sa Reuters Health na mayroon ding ilang limitasyon ang pag-aaral.

Maaaring may mga hindi naitala na pagkakaiba sa mga pasyente ng dalawang grupo, pati na rin ang kalubhaan ng kulebra sa mga mayroon nito. Dagdag pa nito, mas mataas ang resulta ng pagkakaroon ng shingles ng mga taong may edad 65 pababa sa pag-aaral kumpara sa pagsusuri sa US, kaya maaaring hindi pa rin mapatunayan ang pag-aaral.

Sa US, inaasahang bababa ang bilang ng mga may shingles sa mga taong 40 pababa dahil marami ang nabakunahan para sa chickenpox nung sila'y mga bata pa, at mababa ang rate sa mga taong may chicken pox vaccine, sinabi ni Swartz sa e-mail.

Patuloy ni Swartz, hindi lamang tinutulungan ng bakuna na maiwasan ang shingles sa mga taong may edad 60 pataas, kung hindi napipigilan din nito ang muling pag-atake sa mga taong nagkaroon na ng kulebra. Kaya inabisuhan ni Swartz na magpabakuna pa rin ang mga taong dati nang nagkaroon ng kulebra.

Tungkol naman sa heart attack at stroke risks, parehong diniin nina Schwamm at Swartz, na pinakamabisang paraan ang pagkakaroon ng healthy lifestyle para bumaba ang mga sanhi ng kulebra, tulad ng pagkontrol ng cholesterol, blood sugar at timbang, at regular na ehersisyo at pag-iwas sa sigarilyo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News