Ang athlete's foot o Tinea pedis ay isang fungal infection na kadalasang nagsisimula sa mga daliri sa paa.
Kadalasang nagkakaroon nito ay ang mga taong namamawis ang mga paa habang nakasuot pa ng hapit na sapatos.
Ito ay bunga ng fungus na nagdudulot din ng ringworm at jock itch. Mga mamasa-masang medyas o sapatos at mainit at mahalumigmig na kondisyon kadalasang pinamumugaran ng fungus na ito.
Isa sa mga sintomas ng athlete's foot ay ang nagbabalat na pantal na nagdudulot ng pangangati, "stinging" at nagliliyab na pakiramdam. Maaaring makahawa ang athlete's foot sa pamamagitan ng sahig, tuwalya, at mga damit.
Ang iba pang uri ng athlete's foot ay nagdudulot pa ng mga paltos o ulser. Ito'y nakakapagdulot ng matagalang panunuyo at pagbabalat ng talampakan na umaabot pa sa gilid ng paa.
Kumonsulta sa duktor kung ikaw ay may pantal sa paa na hindi malunasan ng self-treatment. Mainam ring kumunsulta sa duktor kung ikaw ay may diabetes na maaaring magresulta ng sobrang pamumula, pamamaga, at lagnat.
Mataas ang posibilidad na ikaw ay magka-athlete's foot kung ikaw ay:
- Isang lalaki
- Kadalasang nagsusuot ng basang medyas o masikip na sapatos
- Nakikihati ng banig, alpombra, sapin sa kama, mga damit o sapatos
- Naglalakad nang naka-paa sa mga pampublikong lugar tulad ng locker rooms, saunas, swimming pools, at mga pampublikong paliguan at shower.
Maaari ding umabot ang athlete's foot sa iba pang parte ng katawan tulad ng:
- Mga kamay - Maaari ring maapektuhan ang mga kamay kung ang isang tao ay kamot nang kamot sa mga paang may impeksiyon
- Mga daliri - Maaari rdng maapektuhan ang mga kuko sa daliri ng paa, na mahirap lapatan ng lunas
- Singit - Maaaring magkaroon ng jock itch kung ang fungus ay kumalat mula paa papuntang singit sa pamamagitan ng kamay o tuwalya.
Nagbigay ang Mayo Clinic ng ilang tips kung paano maiiwasan ang athlete's foot:
- Panatilihing tuyo ang mga paa, lalo na sa pagitan ng mga daliri - Sa tuwing nasa bahay, magpaa para sumingaw ang hangin. Ugaliing magtuyo rin ng mga daliri sa paa matapos maligo.
- Regular na magpalit ng mga medyas - Magpalit ng medyas dalawang beses sa isang araw kung sobrang namamawis ang mga paa.
- Magsuot ng magagaan na sapatos - Iwasang magsuot ng mga sapatos na may sintetikong materyal tulad ng vinyl o rubber.
- Magkaroon ng reserbang pares ng sapatos - Iwasang suotin ang iisang pares araw-araw para mabigyan sila ng oras na matuyo.
- Protektahan ang mga paa sa pampublikong lugar - Magsuot ng waterproof na sandals o sapatos sa mga pampublikong pools, showers at locker rooms.
- Panatilihing malinis ang mga paa - Gumamit ng antifungal powder araw-araw.
- Huwag makihiram ng mga sapatos - Ang pakikihiram ng sapatos ng iba ay maaaring magdulot ng fungal infection.
Kung hindi malala ang iyong athlete's foot, maaaring magrekomenda ang duktor ng over-the-counter antifungal ointment, lotion, powder o spray.
Ngunit kung mahirap na lunasan ang iyong athlete's foot, maaari kang mangailangan ng prescription-strength medication para sa iyong paa.
Kakailanganin din ng pag-inom ng antifungal pills para sa iba pang malalang impeksyon. —Jamil Joseph Santos/LBG/AT, GMA News
