Mula noong 1935, umabot na sa 78 ang nagawang State of Nation Address (SONA) ng mga naging pangulo ng Pilipinas. Pero kilala ba ninyo kung sino ang dating lider ng bansa na naghatid ng kaniyang SONA speech habang nakaratay sa ospital sa Amerika?
Ang taunang pagbibigay ng ulat sa bayan ng pangulo ng bansa, o SONA ay nakasaad sa ilalim ng Saligang Batas, na isinasagawa sa pagbubukas ng regular na sesyon ng Kongreso.
Iniuulat nga pangulo sa kaniyang SONA ang kalagayan ng bansa at mga plano niyang gawin sa hinaharap.
Pero noong Enero 23, 1950, hindi sa Kongreso ginawa ng noo'y nakaupong pangulo na si Elpidio Quirino ang kaniyang SONA kung hindi sa isang ospital sa Maryland, USA, habang nagpapagaling.
Mula sa Amerika, napakinggan ng mga Filipino sa radyo ang SONA ni Quirino. -- FRJ, GMA News

