Iniulat kamakailan ang isang lalaki na nagbiro sa kaniyang kapitbahay na magto-tokhang at nanutok ng kunwaring baril. Dahil sa masamang biro, hindi raw nakatulog ang biktima nang dahil sa matinding takot kaya siya nagreklamo.

Sa segment na 'Kapuso sa Batas' ng "Unang Hirit," tinalakay ni Atty. Gaby Concepcion na maaaring makasuhan ng unjust vexation ang nagbirong lalaki sa ilalim ng paragraph two ng Article 287 ng Revised Penal Code.

Sinabi ni Atty.Gaby na "catch all provision" ang nakasaad sa batas na kasali ang kahit anong gawain na nagreresulta sa matinding inis o pagkabuwisit sa isang tao kahit na walang physical o material harm.

"The paramount question to be considered is whether the offender's act caused annoyance, irritation, torment, distress or disturbance sa isipan ng tao kung saan ito naka-direct," paliwanag ng abogada.

Ang krimen ay may multa na hanggang P200 at kulong ng hanggang isang buwan.

Kabilang umanong sa mga pasok sa unjust vexation ay kung mahawakan ng isang lalaki ang maselang bahagi ng katawan ng babae sa loob ng simbahan, at kung ang isang kapitbahay ay laging nanunukso at nagtatawag ng kung anu-anong pangalan ng isang tao.

Nilinaw din ni Atty. Concepcion na maaarin ding makasuhan ng grave coercion ang panunutok ng baril.

Tungkol naman sa pagkakaroon ng trauma ng biktima, sinabi ni Atty. Concepcion na kailangang patunayan muna at maikonekta na ang trauma ay talagang dulot ng ginawang pagbibiro ng kapitbahay.

Tungkol naman sa tanong kung maaaring kasuhan ang lalaki dahil sa pagpapanggap na "pulis" na nagtokhang sa kapitbahay, sinabi ni Atty. Concepcion na kinakailangang mayroong ginamit ang lalaki na nagkunwari talaga siyang awtoridad.

Pero sa lumabas na insidente, wala naman siyang ginamit na uniporme o tsapa na magpapakitang pulis siya.

Panoorin ang ginawang pagtalakay sa naturang usapin.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News