Kung ang isang tao ay nakakakita ng mga nakaumbok na kulay green o violet na ugat sa kanyang mga binti, ito ay senyales na ng varicose veins.

Sa episode na ng Mars nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dr. Glaiza Dapal ng Jancen Cosmetic Surgery na kadalasang nagrereklamo ang mga may varicose veins dahil sa sakit na nararamdaman mula sa mga nakaumbok na ugat.

Ang varicose veins aniya ay may dalawang uri: reticular veins o mala-sawang ugat at spider veins o maliliit at kulay violet na mga ugat.

Sinabi ni Dr. Dapal na isang "factor" ang palaging pagsuot ng heels o stilettos sa pagkakaroon ng varicose veins dahil nagbibigay ito ng pressure sa paa.

Ang kasabihan na man na ang pagsusuot ng flat or rubber shoes ay isang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng varicose veins ay hindi totoo, ayon sa doktor. 

Kahit palaging flat shoes ang suot ng tao, puwede pa ring magkaroon ng varicose veins kung hindi naman sakto sa paa ang suot na sapatos.

Ayon pa kay Dr. Dapal, ang varicose veins ay puwede ring mamana.

Maaari rin daw magkakaroon ang mga buntis nito dahil sa weight gain, pati na rin ang mga taong nagkakaroon ng pagbigat ng timbang dahil sa lifestyle change.

Isa rin daw dahilan ang overexposure sa init lalo na kung ang isang tao ay mahilig maligo ng sobrang init.

Sinabi ni Dr. Dapal na bagama't nakakabawas ng sakit, hindi natatanggal ang varicose veins sa simpleng pagtataas ng paa habang nakahiga.

Inirerekomenda niya na iwasan ang mag-de cuatro nang matagal habang nasa trabaho dahil naiipit ang daloy ng dugo sa ugat ng mga binti. —Jamil Santos/ALG, GMA News