Usap-usapan ngayon ng ilang netizens kung ano nga ba ang kulay ng sapatos na viral ngayon sa social media.

Para sa ilan, green at gray daw ang kulay nito samantalang nanindigan naman ang iba na ito raw ay pink at white. Ang iba pa nga, red, blue at peach ang nakitang kulay sa nasabing sapatos.

Sa ulat ni Ian Cruz sa "Balitanghali" nitong Linggo, natuldukan na ang debate ng publiko. Pink at white daw talaga ang kulay ng sapatos base sa website ng shoe company na may gawa nito.

"It really depends kung ano 'yung illumination, ano 'yung ilaw na binibigay natin sa kanya... at kung ano din naman 'yung naaabsorb ng object. Kaya lang 'yung eye natin, our eye, ay sensitive to different wavelength," sabi ni Giovanni Tapang, isang propesor.

Noong 2015, pinagdebatehan din sa social media kung ang nag-viral ba na damit ay white at gold o blue at black. Kalaunan, napatunayan na ito ay blue at black. —Anna Felicia Bajo/LBG, GMA News