Naparalisa man ang kalahati ng kaniyang katawan dahil sa stroke, hindi ito naging hadlang kay Mang Albert Larion, 47-taong gulang, para maghanap-buhay para maitaguyod ang sarili at ang kaniyang ama.

Isang dating construction worker, Nobyembre 27, 2007 nang ma-stroke si Mang Albert. Halos dalawang linggo rin daw siyang hindi nakabangon at nakaratay na lang sa kama.

Matapos nito, hindi na niya maigalaw pa ang kaniyang kaliwang braso, kamay at binti. Hindi na nagawang magpatingin ni Mang Albert sa doktor dulot ng kakulangan sa pinansyal. Kaya nagpagaling na lang siya sa tulong ng mga paracetamol na gamot.

Dalawa na lang sa kanilang bahay, dati na ring na-stroke ang kaniyang ama. Hindi rin naman niya magawang umasa sa mga kapatid dahil mayroon na rin silang kani-kanilang pamilya.

Sa tulong wheelchair at patungan ng ice candy, araw-araw ay naglalako siya sa kalye. Nagagawa niyang makapagbenta sa pamamagitan ng pagpadyat sa wheelchair gamit ang isang paa.

Kung ilan ang maibentang ice candy ni Mang Albert, iyon lang din ang kaniyang kikitain sa isang araw para sa kanilang mag-ama. Ang matitirang ice candy, naibabalik niya sa kaniyang pinagkukunan ng paninda.

"Huwag sumuko sa buhay, laban lang ng laban, hangga't may lakas," sabi ni Mang Albert tungkol sa aral ng kaniyang buhay.

Taong 2015 nang magdesisyon si Mang Albert na muling maghanap buhay. Gamit ang kaniyang wheelchair, maaga pa lang ay lumalabas na siya ng bahay para maglako ng ice candy.

Kanang paa ang kaniyang ginagamit sa pagpapaandar nito, lalo na kung paahon o malubak ang daan.

Mula umaga hanggang hapon, nasa 150 piraso ng ice candy ang nabebenta niya, kaya kumikita siya ng halos P600 kada araw. Kailangan daw niyang magtrabaho sa tuwing maaraw lang, kaya palagi niyang inaabangan ang weather report para iwasan ang ulan.

Panoorin ang kuwento ng kaniyang buhay sa pagtutok na ito ni Rhea Santos para sa "Tunay Na Buhay."


Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News