Mahalaga ang kusina bilang parte ng isang bahay dahil dito niluluto ang mga pagkain para sa pamilya. Pero ayon sa isang Feng Shui, ito raw ang lugar na humahawak ng "good fortune" at "good health."
Narito ang ilang Feng Shui tips sa kusina para masimulan ang paparating na 2018 na Year of the Earth Dog na may suwerte.
Sa "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ni Johnson Chua, Feng Shui consultant, na kailangan daw maging malinis, maaliwalas, at maluwag ang kusina.
Kung ang kusina ay may bintana, mainam na lagyan ito ng kurtina na kulay berde o dilaw dahil bukod sa ito ang mga lucky color ng 2018, nakadadagdag din daw ito ng pampalakas. Kung wala naman kurtina, puwede ring magsabit ng mga picture frame sa dingding o maglagay ng mga place mats na kulay berde o dilaw.
Pagdating naman sa lababo, maglagay ng mga maliliit na halaman dahil isa ang ang wood element na mainam para sa 2018. Ayon kay Chua, kapag naglagay daw ng wood malapit sa tubig, nadadagdagan ang wood energy. Maaaring maglagay ng money tree o pechay.
Kung mali ang posisyon ng kalan o may mga "poison arrows," maaaring magsabit ng dalawang crystal balls malapit dito, dahil ito'y simbolo ng Yin and Yang.
Maaari ring isabit ang display na fish sa pinto ng kusina dahil ito ay simbolo ng "abundance," para maging maganda ang pasok ng pera. Simbolo naman ang gourd ng "good health" at "prosperity."
Ang money tree naman na simbolo ng "wealth" ay mabuting ilagay sa counter tap o sa lababo ng kusina.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
