Nagkapigsa na ba ang anak mo? Baka may diabetes siya, mataba o mahina ang immune system.

Sa website ng Department of Health, ilan lamang lamang ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng pigsa ang isang tao.

Sabi ng DOH, isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng pigsa ay ang Staphylococcus bacteria na nakukuha sa pamamagitan ng pagdikit sa balat ng isang tao o mga bagay na may impeksyon.

Mas malimit naman na pinagmumulan ng pigsa ay ang Staphylococcus aureus.

Sa mga bata, ayon sa DOH, ilan sa mga dahilan ay ang pagkakaroon ng diabetes, malnutrisyon o mahinang immune system.

Senyales na magkakaroon ng pigsa ang isang tao kapag namamaga o namumula ang kaniyang balat.

Upang maiwasan na magkaroon ng pigsa, simple lang, ayon sa DOH: malimit na maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig at ugaliing maligo kahit isang beses lamang araw-araw.

Kung nagkaroon ka na ng pigsa, huwag itong hahawakan at huwag ring subukan na pisain upang mapalabas ang nana dahil maaaring mas lumala ang impeksyon.

Sa halip na kumuha ng bote ng softdrinks para pisain ang pigsa, warm compress ang ipatong dito upang maibsan ang sakit at siguraduhing natatakluban ito para hindi marumihan.

Sa mga malalang kaso, sinabi ng DOH na kailangang buksan ang pigsa upang alisin ang nana at uminom ng antibiotics.

Kung hindi lumala pa ang pigsa, kumunsulta na sa doktor. —ALG, GMA News