Umaabot sa mahigit 246,000 ang populasyon o residente sa kinikilalang pinakamalaking barangay sa Pilipinas na makikita sa isang lungsod sa Metro Manila.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing base sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2015, ang barangay 176 sa Bagong Silang sa Caloocan ang pinakamalaking barangay sa bansa.
Pumangalawa naman ang barangay Commonwealth sa Quezon City na may mahigit 198,000 na residente.
Nasa Quezon City pa rin ang pangatlong pinakamalaking barangay na barangay Batasan Hills na may mahigit 161,000 residente.
Pasok din sa listahan ng mga pinakamalaking barangay ang barangay Pinagbuhatan sa Pasig City; barangay Payatas sa Quezon City; barangay Poblacion sa Muntinlupa; barangay Holy Spirit sa Quezon City; barangay 178 sa Caloocan; barangay Pasong Tamo sa Quezon City; at barangay Addition Hills sa Mandaluyong City.
Sa mahigit 42,000 barangay sa Pilipinas, ang mga rehiyon na may pinakamaraming barangay ay ang REGION VIII (Eastern Visayas) na may 4,390 barangay; REGION VI (Western Visayas) na may 4,051 barangay; REGION IV-A (CALABARZON) na may 4,018 barangay; REGION V (Bicol Region) na may 3,471 barangay; REGION I (Ilocos Region) na may 3,267 barangay; at REGION III (Central Luzon) na may 3,102 barangay. -- FRJ, GMA News
