Napabalita kamakailan ang pagtaboy umano ng isang guwardiya sa magkasintahang pipi at bingi na papasok sana sa isang mall sa Quezon City. At sa halip na tulungan sila nang magtungo sa tanggapan ng mall, pinagtawanan daw ng mga tao roon. Isa nga bang kaso ng diskriminasyon sa person with disability (PWD) ang nangyari na ipinagbabawal sa batas?
Sa "Kapuso sa Batas," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na mahigpit na ipinagbabawal sa Magna Carta for Disabled Persons o Republic Act 9442 ang pamamahiya at pangmamaliit sa mga taong may kapansanan sa publiko, partikular na sa mga section 39, 40 at 46.
Kasama sa "public ridicule" o "vilification" ang panggagaya at pinagtatawanan ang may kapansanan, o ano mang sulat o gawa na makakawala ng "self-esteem" ng PWD.
May multang hindi bababa sa P50,000 hanggang P100,000 para sa unang violation o kulong na hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi lalagpas ng dalawang taon o pareho.
Kung may kasunod na violation, may multang hindi bababa sa P100,000 pero hindi lalampas ng P200,000 at may kulong na hindi bababa ng dalawang taon at hindi lalagpas ng anim na taon o pareho.
Binanggit din umano sa Article 26 ng Civil Code na maaaring magkaroon ng kasong sibil ang panggugulo sa buhay ng iba at pamamahiya sa tao sa kaniyang paniniwalang relihiyon, "lowly station in life", lugar ng kapanganakan, o pisikal na depekto.
Base rin sa Magna Carta for Disabled Persons, hindi rin puwedeng tanggalan ang isang tao ng trabaho dahil sa kaniyang kapansanan, o ilipat ng trabaho kung hindi niya ito magagampanan.
Bawal ding tanggihan ng mga drayber ng pampublikong sasakyan ang mga PWD sa kanilang pagsakay, o singilin sila nang mas mahal.
Bawal ding hindi bigyan ng "equal access" ang mga PWD sa mga mall, park at restaurant. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News