Madalas nang sumasali sa mga beauty contest si Ina Louise Abello. Kaya ilang araw bago ang sasalihang patimpalak, nagpasiya siya na magpa-rebond ng buhok para maging maganda.  Ang kaso, nauwi ito sa disgrasya nang malugas at magka-poklat ang kaniyang buhok. Tutukan ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Kuwento ni Ina, nagsimulang malagas ang buhok niya nang lagyan ito ng gamot sa parlor para sa rebond. Kahit napansin na sa parlor na maraming buhok niya ang nalalagas, ipinagpatuloy pa rin ang proseso hanggang sa mangyari na ang hindi inaasahan.

Nalungkot sa Ina sa nangyari sa kaniyang buhok at nangamba na hindi na siya makakasali sa pageant. Ang kaniyang ama, nais kasuhan ang may kagagawan ng pagkapanot ng anak.

Pero si Ina na rin mismo ang pumigil sa ama dahil inisip pa rin niya ang kapakanan ng trabahador ng parlor sa kabila ng nangyari sa kaniya.

ADVERTISEMENT

Sa halip na ipakalbo ang kaniyang buhok, nagpasya si Ina na lumaban pa rin sa pageant at magsuot na lang ng wig at hair extension.

Kahit minalas sa buhok, nasungkit pa rin niya ang korona.

"Hindi ko na rin po in-expect eh, kasi ilang po akong maggalaw masyado, 'yung umikot-ikot. Despite po na nawala 'yung hair ko, nakapasok pa rin po ako sa top 5," sabi ni Ina.

Para matulungang bumalik ang confidence ni Ina, naka-bonding niya si Miss International 2016 Kylie Verzosa, na kabilang sa nagsusulong ng mental health awareness.

Panoorin ang buong kuwento ni Ina at ang iba pang naghangad na gumanda pero nadisgrasya.

Click here for more GMA Public Affairs videos

--Jamil Santos/FRJ, GMA News