Huwag basta maglagay ng pabigat sa bubong ng bahay, huwag maglakad nang paharap sa malakas na hangin, at lumikas nang maaga. Ilan lang ito sa tips na ibinigay ng isang eksperto sa harap ng paparating na malakas na bagyong si "Ompong."
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ipinapayo ng mga eksperto na dapat maging handa sa lahat ng oras at imonitor sa mga balita ang galaw ng bagyo, kasabay sa pagpapatibay sa bahay.
"Yung mga bubong natin, meron pong ano 'yang one meter na extension para 'yan sa ventilation. So pagka may hangin ka, posibleng i-angat niya. Kaya maganda rin 'yung talian mo na lang kaysa maglagay kayo ng goma. Huwag kayong maglagay ng mga pabigat kasi 'pag nilipad 'yan, makakadisgrasya pa kayo ng ibang tao," payo ni Leo Ebajo, manager, emergency response unit, Philippine Red Cross.
Dapat din umanong tiyakin na saradong mabuti ang mga pinto at mga bintana, na kung maaari ay takpan pa raw ng kahoy.
"Kasi ang isang square type na bahay, meron pong cavitation 'yon. So kapag pumasok yung hangin, 'di naman diretsong tatagos 'yon sa kabilang bintana eh. Paano kung hindi magka-align 'yung bintana? eh 'di nandodoon lang 'yung hangin. Wawasakin din niya 'yung loob mo pa," saad ni Ebajo.
Bago pa dumating ang bagyo, makabubuting alamin na rin ang pinakamalapit na evacuation center. Makinig din sa abiso ng mga awtoridad kapag kailangan nang lumikas lalo na sa mga lugar na nasa tabing dagat dahil sa panganib ng storm surge o daluyong.
"Try to do their best na makaalis sila doon sa unsafe location. Pero 'yung itali mo 'yung sarili mo sa poste, paano kung may flashflood? Napakahirap pong... alam niyo 'yung ganito lang lalim na tubig, kahit hanggang hita natin, mahirap pong kumilos niyan 'pag malakas ang agos," patuloy ni Ebajo.
Kung maipit na sa lakas ng hangin, 'wag nang magpayong dahil mas mahihirapang kumilos. Kung kailangan maglakad sa labas para makalikas, 'wag daw labanan nang harapan ang hangin.
"'Pagka naglalakad, ang ginagawa paharap, hinaharap, nilalabanan ang wind. Mahihirapan ka po kasi nagkakaroon din ng wind resistance, at ang body mo ang nagiging shield. Ang gagawin niyo po ay puwede pong side view [patagilid]. Mag-side view ka para ang wind mo ay basag or yumuko ka paganyan. Kasi 'pag naka-bend ka, 'yung force ng air, ipu-push 'yung body mo pababa eh di naka-stable ka," paliwanag ng eksperto.
Kung abutan naman ng malakas na hangin habang nagmamaneho, ibayong ingat ang kailangan at kung maaari ay maghanap agad ng masisilungan dahil kayang itulak ng malakas na hangin ang mga sasakyan.
Kapag naipit na sa baha ang sasakyan at magiging delikado ito sa buhay, iwan na umano ang sasakyan at pumunta sa ligtas na lugar.-- FRJ, GMA News
