Sa pagpasok ng Chinese New Year, may mga Pinoy na gustong dumating ang swerte sa iba't ibang aspeto ng kanilang buhay, pero iniisip din ang gastos sa pagbili ng mga mamahaling decoration at lucky charms. Ngunit mayroon ding Feng Shui tips na affordable, tulad ng pagpalakpak at asin.

Sa programang "Good News," ipinakita ni Feng Shui expert na si Rhys Schmidt na puwedeng mapaalis ang malas sa pamamagitan ng mga kampanilya.

Sinabi niyang ang mga kampanilya ay may healing sound. South-west aniya ang area na hindi maswerte ngayong taon, kaya hanapin ang pwesto na ito ng mga kwarto sa bahay at doon patunugin ang kampanilya nang tatlong beses.

Ngunit kung walang mga kampanilya, pwede na rin ang kamay. Pumalakpak lamang nang tatlong beses sa south-west area ng kwarto nang malakas, para mataboy ang negative Chi.

Epektibo rin aniya ang asin dahil present ang lahat ng Feng Shui elements dito ng wood, fire, earth, metal at water. Maglagay lamang ng asin sa gilid ng mga bahay hanggang sa palabas ng pinto, dahil kinukuha nito ang negativity.

Pagdating naman sa paghahanda ng mga prutas, maaari itong gawin ng tatlong klase na tig-siyam na piraso, o siyam na klase ng prutas o tigtatatlo. Ilagay ito sa bahay sa bisperas ng Chinese New Year (Pebrero 4). —Jamil Santos/ LDF, GMA News