Sa ipinapalabas ngayong bagong Kapuso hit series na "Kara Mia," umibig ang karakter na engkanto sa isang magandang babae. Pero sa tunay na buhay, posible nga ba itong mangyari? Alamin ang ginawang pagtalakay dito ng programang "Mars."
Ipinaliwanag ni Nick Nangit, paranormal expert, na ang mga "elemental" o engkanto ay nagkikipag-ugnayan sa mga tao sa "astral plane" o kapag tulog ang tao dahil wala silang pisikal na katawan.
"Incubus" ang tawag sa isang elemento kapag ito ay may gusto sa babae, samantalang "Succubus" naman kapag sa lalaki.
"Ang nangyayari sa kanila, ina-assume nila ang form ng gusto mo, maybe kung wala kang nagugustuhang lalaki or babae, ang feature ng ideal mo ang nakikita mo, tapos 'yun ngayon ang magma-manifest sa 'yo through dreams," paliwanag ni Nangit.
Matapos nito, dito na "may nangyayari" sa pagitan ng tao at ng engkanto sa pamamagitan ng panaginip.
Inihayag ni Nangit na sa kaniyang karanasan bilang paranormal expert, wala pa naman siyang nabalitaan na babaeng nakabuo ng anak matapos makipagtalik sa engkanto. At kung mayroon man, hindi naman ito naitala o recorded.
Idinagdag pa ni Nangit na nagkakagusto raw ang mga engkanto sa mga taong may desperation, nalulungkot, o mababa ang esteem.
Sinabi ni Nangit na pinakamainam na paraan para makawala sa mga engkanto ay ang panalangin. Maaari ding gumamit ng mga crystals, o asin at tubig sa apat na sulok ng kama.
Panoorin ang buong talakayan sa video na ito.
--FRJ, GMA News
