Dahil hindi kaya ng kaniyang mga magulang nangupahan ng bahay, sa bangketa natutulog ang pamilya  estudyanteng si Sherwin Dacayana. Ang ilaw ng poste ang nagsisilbing tanglaw niya sa kaniyang pag-aaral.

Sa programang "Front Row," inamin ni Sherwin na hindi niya maiwasan na mainggit kung minsan sa mga kaklase niya na may cellphone o smart phone na nagagamit paggawa ng assignment.

Bukod doon, nakapapag-aral ang mga kaklase niya sa sari-sariling bahay, samantalang siya...sa bangketa lang. Kailangan din niyang tiisin ang mga dumadaang tricycle sa gabi, at kailangan niya ring tulungan ang kaniyang ina na maghain ng pagkain at mag-ayos ng mga gamit.

Sa loob ng tricycle natutulog ang kaniyang ina at dalawang batang kapatid, habang sa bangketa naman sila nagpapahinga ng kaniyang ama.

Sa kabila ng kaniyang katatagan sa murang edad, hindi na naiwasan ni Sherwin na maiyak nang ikuwento ang mga pangungutyang nadidinig dahil sa kanilang kalagayan sa buhay.

"Nasasaktan po dahil po kahit po sinasabi nila na nakatira po kami sa kalye, tatanggapin ko po dahil po wala naman po akong ginagawang kasalanan sa kanila," anang binatilyo.

"Hindi ko po ikinahihiya na nakatira lang po kami sa bangketa dahil po ayun lang po 'yung nakayanan ng magulang ko po. At saka tatanggapin ko po 'yung kung ano po 'yung kabuhayan namin dahil po kung wala po 'yung magulang ko wala rin po kami," sabi pa ni Sherwin.

Kaya daw siya nagsisikap na mag-aral para makapagtapos at matulungan ang kaniyang pamilya na maiahon sa kahirapan.

At kahit madalas na nagiging tampulan ng tukso dahil sa kalsada siya nakatira, hindi naging madamot si Sherwin na ibinabahagi ang kaniyang mga natututunan sa mga kapwa niya batang kalye bilang isang street educator kapag wala siyang pasok. Panoorin ang kahanga-hanga niyang kuwento.


Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News