Sa edad na 46, pumanaw ang Kapuso reporter, host at direktor na si Cesar Apolinario dahil sa sakit na lymphoma, na isang uri ng cancer at kadalasang mga lalaki umano ang tinatamaan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabing mga young adult at mga kalalakihang may edad 55 pataas ang tinatamaan ng lymphoma.
"Ang lymphoma ay isang cancer na nagsisimula sa lymphocytes. Itong mga lymphocytes ay kabahagi ng ating germ-fighting system sa katawan," paliwanag ni Dr. Racheal Rosario, executive director ng Philippine Cancer Society.
Ayon sa duktor, hindi pa talaga natutuklasan ang lahat ng sanhi ng cancer. Pero ang ibang uri ng cancer ay nagkakaroon ng mga risk factor at gene mutation tulad ng lymphoma.
Ilan daw sa mga sintomas nito ang paglabas ng bukol sa leeg, kilikili, at singit, pagkakaroon ng lagnat, pagkaramdam ng matinding pagod, pagpapawis sa gabi o night sweats, pagpayat at pangangati ng katawan.
Ilan umano sa paraan ng gamutan sa lymphoma ay chemotherapy at radiation.
"A patient can also undergo bone marrow transplant or stem cell transplant. And then meron ding immunotherapy na available," dagdag ni Rosario.
Ang estudyanteng si Christian Cleofas, 22-anyos, kasalukuyang nakikipaglaban sa sakit na Hodgkin's Lymphoma, at sali't salitang sumasailalim sa chemotherapy at radiation.
"Nung 2014, high school ako nun graduating, naramdaman ko na lagi akong ubo nang ubo. Nagpapa-ospital ako kung saan-saan na kami nakarating, kung ano-anong gamot iniinom ko hindi umeepekto sa ubo ko. Pina-CT scan kami, nalaman na may soft tissue na sa dibdib ko nga," kuwento niya. "Nakakatakot lang kasi syempre cancer nga, baka kung anong mangyari sa akin."
Sa ngayon, magtatapos na si christian sa degree program na information technology. Kasabay nito ang kaniyang panalangin na sana tuluyan na rin niyang matapos at mapagtagumpayan ang laban sa sakit na lymphoma. -- FRJ, GMA News
