Sa pagtatapos ng 2019 o Year of the Earth Pig, papasok naman ang 2020 o Year of the Metal Rat. Paano nga ba ito sasalubungin para maging suwerte sa bagong taon?
Sa Unang Hirit, ipinaliwanag ng feng shui consultant na si Johnson Chua na pinakasuwerte sa 2020 ang mga kulay na pula, dilaw at asul.
Sumisimbolo ang pula sa power at career, kaya maaari itong gamitin sa living room para ma-promote sa trabaho.
Sumisimbolo naman ang dilaw sa stability kaya puwede ito sa mga negosyante at may assets.
Puwede namang gamitin ang asul sa mga kurtina o throw pillow cases dahil nirerepresenta nito ang tubig, na bagay sa mga start-up businesses o bagong opportunities.
Pagdating naman sa dining room, sinabi ni Chua na magandang suportahan ang "metal rat" ng earth element. May kaugnayan aniya ang earth sa hugis na parisukat o square samantalang may kaugnayan naman ang metal sa hugis bilog o round, kaya terno ang bilog at parisukat.
Kaya inirekomenda ni Chua na gumamit ng mga square na placemat o mga table cloth na checkered.
Pagdating naman sa bedroom, maaaring gumamit ng mga printed na square na kulay asul, pula o dilaw.
Sinabi ni Chua na pinakamainam na magpalit ng mga gamit sa Disyembre 31 o bisperas ng bagong taon.
Maaari itong gawin hanggang alas-onse ng umaga, na sumisimbolo ng pagsalubong sa pag-akyat ng enerhiya ng araw. —Jamil Santos/KG, GMA News
