Bagaman "maliit" na bulkan sa paningin, isa ang Taal volcano sa Batangas sa itinuturing pinaka-aktibo at pinaka-"deadly" na mga bulkan sa mundo.
Nitong Linggo, walang kaabog-abog na nag-alburuto at kaagad sinundan ng pagputok ng Taal, na dahilan para lumikas ang libu-libong tao. Patunay na sadyang mapanganib ang bulkan, na huling pumutok noong 1977.
Ang ibinuga nitong abo ay umabot sa Metro Manila at maging sa ilan pang karatig lalawigan, na dahilan naman para masuspindi ang mga klase at maging ilang trabaho.
Ayon sa PHIVOLCS, mula 1572 hanggang 1977, 33 ulit nang pumutok ang Taal.
Ang mga uri ng pagputok nito ay mula sa tinatawag na phreatic, phreatomagmatic (o ang paghahalo ng magma at water na lumilikha ng usok at pyroclastic fragments), at ang strombolian (o ang paglabas ng lava sa kaniyang bunganga).
Nangyari ang mga ito sa iba't ibang bahagi ng mababang bulkan.
Sa listahan ng PHIVOLCS, sinabing nangyari ang pagputok ng Taal Volcano noong 1572, 1591, 1605, 1611, 1634, 1635, 1641, 1645, 1707, 1709, 1715, 1729, 1731, 1749, May 15, 1754, 1790, 1808, 1825, 1842, 1873, 1874, 1878, 1903, 1904, January 27 to February 7, 1911, September 28 to 30, 1965, July 5, 1966, August 16, 1967, January 31, 1968, October 29, 1969, September 3, 1970, September 3, 1976, at October 3, 1977.
Sa pagputok nito noong 1911, nasawi ang nasa 1,335 katao. Samantalang 200 katao naman ang nasawi noong 1965 na paputok ng bulkan.— FRJ, GMA News
