Pang-basketball man ang height, pang-sumo wrestling naman ang timbang ni Cristofer noon na umabot sa 463 pounds. Pero ang dating hiniwalayan ng girlfriend dahil sa kaniyang pagiging obese, healthy at may confidence na ngayon sa pakikipag-date.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing may height na 6'8 si Cristofer.

Tabain na siya mula pa noong pagkabata at nang magbinata, nahilig siya sa carbs-on-carbs na pansit canton at kanin.

Ayon sa kaibigan niyang si Lovely, nagdadala si Cristofer ng dalawang kilong bigas sa tuwing magkikita silang magkakaibigan, kung saan kaniya ang kalahati at paghahatian nila ang isa pang kalahati.

Hindi rin daw kuntento si Cristofer sa iisang ulam lang kaya lima ang ulam niya.

Pero dahil sa kaniyang pagiging obese, ipinagpalit si Cristofer ng kaniyang naging nobya para sa ibang lalaki. Hindi rin siya pinapansin ng kaniyang mga napupusuan.

Dahil dito, nagdesisyong magpapayat si Cristofer noong 2017, at nagtuloy-tuloy na ito.

Mula 463 pounds, 243 pounds na lang ngayon si Cristofer sa tulong ng regular cardio exercise at pagkain ng mga prutas.

"Mas nagkaroon ako ng confidence. Ngayon nakikipag-date na ako. Kumbaga hindi na ako nahihiya," sabi ni Cristofer. —Jamil Santos/LBG, GMA News