Sa programang "Pinoy MD," tinalakay ang ilang pinaniniwalaang remedyo ng mga Pinay sa sakit na dulot ng kanilang buwanang dalaw o regla. Totoo nga bang epektibo ang mga ito tulad nang pag-inom daw ng softdrinks?

Paliwanag ni Dr. Raul Quillamor, Chief ng Office of Professional Education and Training ng Amang Rodriguez Medical Center, hindi raw totoong maiibsan ng pag-inom ng softdrinks ang menstrual cramps.

Samantala, totoo naman daw na dapat limitahan ng babae ang pagkain ng maaalat kapag may buwanang dalaw dahil nagdudulot ito ng pagmamanas kapag may edema ang babae bunga ng pag-attract ng salt sa tubig.

Wala din umanong gaanoong epekto ang pagkain ng maaasim kapag may regla at dapat ay "in moderation" ang pagkain nito.

Inirerekomenda naman ang pagpapamasahe dahil may therapeutic effect ito sa mga babaeng may dysmenorrhea, at kailangan din nila ng light exercises.

Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang paksa sa video sa itaas.--Jamil Santos/FRJ, GMA News