Binalikan nina Joseph at Sotero Agot, ang mag-amang COVID-19 survivors, ang kanilang naging laban sa virus na kumitil sa buhay ng kanikang ilaw ng tahanan.
Sa "Survivors: A Tunay Na Buhay Special Online Series," matatandaang si Tatay Sotero o Terry, ang 74-anyos na napaindak sa kaniyang wheelchair sa ospital matapos gumaling sa COVID-19.
Pero sa likod ng tagumpay nila ni Joseph ang pagpanaw naman ng kanilang ilaw ng tahanan na si Nanay Julie, na siya rin umanong may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng COVID-19.
Mula sa sipon at pagtaas ng temperatura noong Marso 25, nahirapan nang huminga si Nanay Julie nang ma-admit siya sa ospital. Umabot pa sa puntong kailangan na siyang i-intubate pero namaalam si Nanay Julie noong Abril 4.
Apat na araw matapos nito, lumabas ang resultang positibo siya sa COVID-19.
Parehong may underlying medical conditions sina Joseph at Tatay Terry. Si Joseph, kagagaling lang sa thyroid cancer, samantalang diabetic naman si Tatay Terry.
Dahil sa pag-aalala, nagpa-check up na sila. Abril 18 nang lumabas ang resulta na positibo sila sa COVID-19.
Pero napagkasunduan ng mag-ama na lalaban sila para kay Nanay Julie. Habang parehong nakikipaglaban sa sakit, natanggap nila ang pagkawala ng kanilang ilaw ng tahanan sa tulong na rin ng pananalig.
Bukod dito, mas lalo ring tumibay ang samahan ng kanilang pamilya.
Matapos ang 19 na araw na pagka-confine sa ospital, idineklara nang COVID-19 free sina Joseph at Tatay Terry. Tunghayan ang buo nilang kuwento sa video na ito.--FRJ, GMA News
