Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, naapektuhan din ang kabuhayan ng mga artist sa Baguio City. Kaya naman ang ilan sa kanila, ibinabarter na ang kanilang mga obra para matustusan ang mga pang-araw-araw nilang pangangailangan at makatulong din sa iba.

Sa ulat ni Bhea Docyogen sa "Stand For Truth," sinabing isa si Roland Bay-an sa mga pinakamatanda at kilalang pintor sa Baguio City, na nagpipinta na mula pa noong 1982.

Pagsalamin sa kultura ng mga Igorot ang tema ng kaniyang mga obra.

Pero dahil tumigil ang kita ngayong may community quarantine, naisip niyang ibenta ang ilan sa kaniyang mga obra.

ADVERTISEMENT

"Siyempre kailangan mo rin yung pang-araw-araw. Bigas, groceries, ganun. 'Yon yung una (dahilan sa pagbebenta), tapos gusto kong ma-influence yung mga bata kasi mahirap nang kumita ngayon," paliwanag niya.

"Gusto kong ipakita sa mga kasama kong artist dito, mga bata na i-barter nila 'yung trabaho nila para may pagkakakitaan. Kasi wala ngang hanapbuhay lalo na kung bata ka pa, mahirap kumita sa art," sabi ni Roland.

Naibarter ni Roland ang isang Bulul painting na nagkakahalaga ng P8,000 kapalit ng dalawang bag ng groceries.

Ang kaniyang natanggap, ipangtutulong din niya sa mga kasamahang na hirap din ngayong lockdown, tulad ni John Luzadas na may diabetes, stroke at kasalukuyang nagda-dialysis.

"Na-shock ako dahil may project sila na ganiyan, nakaka-ano ng loob, tulad ko na wala akong magawa, nabubuhay nila 'yung spirit ng artist. Ang sarap pakinggan, kahit wala akong naitulong," sabi ni John.

Ang pagpipinta rin ni Roland ang sumusuporta sa pamilya ng iba pang mga artist.

"Hindi ko inisip na magbigay, nature ko lang siguro. Ang ganda ng pakiramdam ko 'pag nakatulong ako," sabi ng batikang pintor.

Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video at alamin kung papaano makakukuha ng kaniyang obra kapalit ng mga grocery item. Panoorin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News