Sanggol pa lang ang kambal na sina Roel at Christian nang pumanaw ang kanilang ama. At dahil sa hirap ng buhay, nagpasya ang kanilang ina na ipaampon si Roel sa isang kamag-anak, na kinalaunan naman ay nagtrabaho sa Japan hanggang doon na sila manirahan.

Kaya sa nakalipas na mahigit 22 taon, hindi na nagkita pa ang kambal.

Si Christian, ipinaampon na rin ng kaniyang ina paglipas ng ilang taon sa isa rin nilang malayong kamag-anak.

Naging maganda ang buhay ni Roel sa Japan, habang puno nang pagsubok ang naging buhay ni Christian, at naging masasakitin pa.

Ang umampon kay Roel, ipinaalam sa kaniya na mayroon siyang kakambal na naiwan sa Pilipinas kaya hindi nawala sa isip niya ang kapatid at pinanabikan na muli niya itong makikita at makakasama.

Nag-aalala si Roel sa naging buhay ng kaniyang kakambal kaya naghanap siya ng paraan upang mahanap ang mga kamag-anak sa Pilipinas upang makausap ang kapatid.

Ang problema, tila napuno naman ng galit ang puso si Christian dahil sa ginawang pag-iiwan sa kaniya ng ina. Hindi na rin daw niya iniisip na makita pa o makapiling ang kaniyang kakambal na si Roel.

Sa kabila nito, desidido si Roel na makausap ang kakambal kaya nang malaman niya kung nasaan ito, kaagad niya itong tinawagan sa pamamagitan ng video.

Ang tanong, kausapin kaya ni Christian si Roel? Tunghayan ang mala-teleseryeng kuwento ng magkapatid na kambal sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News