Wala raw kamalay-malay si Ella na ipinaampon ng kaniyang kapatid na si Celsa ang kaniyang siyam na buwan gulang noon na anak niyang si Carla.  Pagkaraan ng mahigit 30 taon, isang babae ang lumitaw na ipinaampon daw noon at hinahanap ang kaniyang tunay na ina. Siya na nga kaya ang anak na matagal nang hinahanap ni Ella?

Kuwento ni Ella sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," taong 1988 nang magkasakit siya sa pinapasukan niyang amo bilang kasambahay kaya hindi kaagad siya nakauwi ng kanilang bahay.

Ang kaniyang anak na si Carla na noo'y siyam na buwan na gulang, inaalagaan naman ng kaniyang kapatid na si Celsa, na nang mga sandaling iyon ay mayroon din batang anak na kailangang alagaan.

At nang makauwi na si Ella, wala na ang kaniyang kapatid sa kanilang tinitirhan, at nabalitaan niyang ipinaampon ni Celsa ang kaniyang anak na si Carla.

Pero taliwas sa sinasabi ni Ella na hindi niya alam na ipinaampon ang kaniyang anak na si Carla, sinabi ni Celsa, na batid ito ng kaniyang nakababatang kapatid. Hirap daw sila noon sa buhay.

Magmula noon, hindi na raw nag-usap ang magkapatid.

Hanggang sa isang araw, isang babae ang sumali sa "clan" ng mga Amores sa Facebook sa pag-asang mahanap niya ang kaniyang tunay na ina. Gaya ng kuwento tungkol kay Carla, ipinaampon din daw siya noong bata pa lang.

Ang isang anak na babae ni Ella, napansin naman ang malaking pagkakahawig nila ng babaeng naghahanap ng tunay niyang ina. Siya na nga kaya ang hinahanap ni Ella na si Carla? At magkaroon pa kaya ng pagkakataon na magkabati ang magkapatid na Ella at Celsa? Tunghayan na episode na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News