Mula taong 2000 hanggang 2020, 61 na ang naitalang pag-atake ng mga buwaya sa mga tao sa buong bansa kung saan 24 sa mga ito ay mula sa Balabac, Palawan. Normal lamang ba ang mga ganitong pag-atake, o may pagkukulang din ang mga tao?

Sa programang "Brigada," inilahad ng crocodile expert na si Rainier Manalo na maiuugnay ang mga isidente ng croc attack sa patuloy na pagsira ng tao sa mga bakawan na tirahan at pinagkukunan ng pagkain ng mga buwaya.

"Hindi talaga intensyon ng buwaya na kagatin 'yung mga tao, ito ay mga aksidente lang. Nandoon 'yung activities ng mga tao, gusto rin nating gumamit ng ilog, gusto rin nating gumamit ng mga bakawan," ayon kay Manalo.

"Unang atake niya ay defense attack lang 'yan. Hindi naman niya kilala kung 'yan ba ay isang uri ng tao o isang uri ng hayop kaya napagkamalian niya," dagdag ni Manalo.

"Sa paghanap natin na maging maunlad at makapaghanap tayo ng panibago nating titirahan, nagagalaw din natin ang tirahan din ng mga hayop eh, napapasok na natin sila. And then pagdating doon sila na 'yung pinapaalis natin, patuloy natin silang tinutulak sa kanilang pagkawala ng tirahan," anang crocodile expert.

"Kung wala silang magiging tirahan, maghahanap sila ng mga lugar na mas secured 'yung kanilang buhay. At kung wala silang mapuntahan na ganoon, mga bahay na ng tao, maaaring pumunta ulit sila doon," sabi ni Manalo.

Tunghayan ang mga kuwento ng ilan sa mga nakaligtas sa pag-atake ng mga buwaya sa Balabac. Kabilang dito ang isang mangingisdang kinagat sa ulo na nagresulta sa pagkabulag ng isa niyang mata.

Isang bata rin ang nakaligtas mula sa kagat ng 14 talampakang buwaya, at inilahad naman ng isang ama kung paano nawala ang kaniyang bunsong anak na inatake rin ng buwaya. --FRJ, GMA News