Napabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa sa mundo na maituturing ligtas at nagtitiwala ang mga tao sa mga pulis, ayon sa 2020 Global Law and Order survey ng American analytics firm na Gallup.

Sa naturang survey na ginawa noong 2019, kapantay ng Pilipinas ang Australia, New Zealand, Poland, at Serbia sa ika-12 puwesto sa law and order index score na 84.

Sa 144 bansa, kabilang ang Pilipinas sa 40 bansa na nakakuha ng pinakamataas na puntos.

Ayon sa ulat, nagtanong ang Gallup researchers ng halos 175,000 adults sa 144 bansa at mga lugar. Apat ang itinanong na patungkol sa kanilang pakiramdam ng kaligtasan, karanasan sa krimen at mga awtoridad.

Ang naturang mga tanong:

  • In the city or area where you live, do you have confidence in the local police force?
  • Do you feel safe walking alone at night in the city or area where you live?
  • Within the last 12 months, have you had money or property stolen from you or another household member?
  • Within the past 12 months, have you been assaulted or mugged?

Ang Singapore at Turkmenistan ang nanguna sa listahan ng law and order index score na 97. Sumunod ang China, Iceland, Kuwait, Norway, Austria, Switzerland, Uzbekistan, at United Arab Emirates.

Ang Afghanistan ang pinakahuli na may puntos na 43.  Kasama rin sa mga bansa na may pinakamababang marka ang Gabon, Venezuela, Liberia, South Africa, Gambia, Uganda, Sierra Leone, Botswana, at Mexico.

Ayon sa Gallup, batay sa 2019 survey, lumitaw na pito sa bawat 10 katao o 69% sa mundo ang nagsasabing nakararamdam sila ng kaligtasan sa paglalakad sa gabi at may tiwala sila sa kapulisan.

Nasa isa sa bawat walo katao o 12% ang nagsabing nanakawan na sila, o ang kaanak nila sa nakalipas na mga taon, at anim na porsiyento umano ang inatake o sinaktan.

“These numbers remained largely unchanged from 2018,” ayon sa Gallup.

Idinagdag pa ng Gallup na ang survey ay ginawa sa pamamagitan ng pagtawag at mayroon ding face-to-face interviews. Tinatayang 1,000 katao na may edad 15 pataas ang tinanong sa bawat bansa.

Tiwala ang Gallup na 95 porsiyentong tama ang resulta ng survey at nasa ±2.1 percentage points to ±5.6 percentage points ang inilagay nilang margin of sampling error.--FRJ, GMA News