Dahil matagal nang problema ang basura na isa sa mga dahilan ng pagbaha, nakaimbento ang ilang estudyante ng teknolohiya para mag-recycle ng plastic para gawing tsinelas--with charger pa.

Sa programang "iJuander," itinampok nina Naiah Nicole Mendoza, Denise Carpio at Abigail Silva, mga estudyante ng Dr. Yanga's College at miyembro ng Philippine Robotics Team, ang kanilang Project Footwear through Environmentally-Enriching/Empowering Technology (FEET).

Maaring gamitin sa Project Feet ang mga plastic na Type 1, tulad sa mga bottled water, at Type 5, na ginagamit sa mga tupperwear dahil ito ang mga kadalasang ginagamit sa araw-araw pero tinatapon lang din pagkatapos.

ADVERTISEMENT

Pagpipirasu-pirasuhin ng Project FEET ang plastic, saka ito tutunawin sa molde na hugis ng paa. Pagkalipas ang dalawang oras, hugis-tsinelas na ang plastic.

Mula sa namoldeng tsinelas, nilagyan nila ito ng piezo discs para makagawa ng elektrisidad kapag tinatapakan na puwedeng mag-imbak ng enerhiya bilang "powerbank" at maging cellphone charger din.

Dahil sa kanilang imbensiyon, nakuha nila ang gold medal sa World Robot Olympiad sa Canada, na sinalihan ng mahigit 700 mag-aaral na galing sa 40 bansa.

Bukod dito, bumuo rin ng aparato ang mga Electronics and Communications Engineering students ng De La Salle University na nangongolekta ng basura sa ibabaw ng dagat.

Pinangalanan nila itong Project Patches Withdrawn Kept Away from Nature (Pawikan), na dalawang bangka na may lambat sa gitna kung saan iipunin ang mga basura. Meron itong camera para mapaandar ang aparato sa pamamagitan ng laptop. -- FRJ, GMA News