Hindi nakakikilos mag-isa, buto't balat ang katawan at tila isang-taong-gulang pa rin ang laki -- ito ang pagsubok na pinagdaraanan ngayon ng isang 13-anyos na lalaki sa Guindulman, Bohol. Ano nga ba ang kaniyang kondisyon na nagsimula umano sa impeksiyon noong siya'y ipanganak?
Sa Reporter's Notebook, ipinakita ang pagpapaligo ni Emma Nacario sa kaniyang anak na si MJ Nacario dahil naninigas ang mga buto nito at hindi makakilos mula noong pagkabata pa.
Hindi rin nakapagsasalita si MJ.
Bago nito, hindi nakapupunta si Emma sa doktor para magpa-checkup noong buntis pa lang kay MJ dahil sa layo ng ospital.
Isinilang niya si MJ noong 2007 sa kanilang bahay sa Bicol sa tulong ng isang hilot.
Tila normal naman daw nang ipanganak si MJ pero makalipas lamang ang isang linggo, napansin na ni Emma na tila may kakaiba sa bata.
Matapos ang 13 taon, naipasuri rin si MJ sa doktor.
Ayon kay Dr. Fressel Angeli Meru, Pediatrician sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital, kabilang sa kondisyon ni MJ ang Spastic Quadriplegia Cerebral Palsy, mental retardation, at severe chronic malnutrition.
Bukod dito, na-diagnosed din si MJ ng severe microcephaly, kung saan hindi lumaki ang kaniyang utak na angkop sa kaniyang edad.
Sinabi ng doktor na ang mga sakit ni MJ ay komplikasyon ng tetanus o impeksiyon noong bagong panganak pa lamang ang bata, bagay na kinumpirma rin ni Dr. Maria Isabel Quilendrino, consultant sa Philippine General Hospital-Department of Pediatrics.
"Kasi po [ang problema] po sa amin 'yung pagdadala sa ospital, mas malayo pa rin po, halos apat na oras ang biyahe. Kaya po kami hindi nakapunta sa public hospital kasi nga po unang una, 'yung pamasahe, wala po kami no'n," sabi ni Nanay Emma.
Para sa mga nais na magpaabot ng tulong kay MJ, maaaring ma-contact at mag-deposito kay Marcial Entia sa numerong 0935-575-8416 (GCash).--FRJ, GMA News
