Kaya din ba nating panindigan ang pag-ibig natin kay Hesus? (Juan 21:15-19)
Marahil ay narinig na ninyo ang biro patungkol sa taong puro "kuwento pero walang kuwenta." Sila ang taong nagsisimula ng kuwento na walang patutunguhan.
Subalit sa ating Mabuting Balita (Juan 21:15-19), nais tiyakin ng ating Panginoong HesuKristo na ang sinasabi ni Simon Pedro na iniibig niya si Hesus ay makatotohanan at hindi isang salita lamang.
Nais makasiguro ni Hesus na may kuwenta o kabuluhan ang mga salita ni Pedro nang tanungin Niya ang nasabing Alagad kung iniibig ba Siya nito.
Unang tinanong ni Hesus si Pedro nang sabihin Niyang: "Simon Anak ni Juan, iniibig mo ba Ako nang higit sa mga ito?" (Juan 21:15).
Tumugon naman si Simon Pedro at ipahayag niyang: "Opo, Panginoon, alam niyong iniibig ko Kayo." (Juan 21:15)
Nasundan pa ang mga pagtatanong ni Kristo kay Pedro nang sabihin sa kaniya ng ating Panginoon na: "Kung gayon. Pakainin mo ang aking mga tupa". (Juan 21:15)
Sa ating Pagbasa, marahil ay nais lamang makatiyak ng Panginoong Hesus na kayang panindigan ni Pedro ang pagsasabi niyang mahal niya si Kristo sa pamamagitan ng gawa at hindi sa salita lamang.
Sapagkat ang isang salita na walang gawa ay katulad ng isang kahong walang laman. Kahit gaano pa kaganda ang labas nito, kung ang loob naman nito ay walang laman, wala rin itong saysay.
Kung ang mga sinabi ni Pedro na iniibig niya si Hesus ay puro salita lamang at hindi naman niya kayang pangatawanan. Wala rin itong pinagkaiba sa isang kuwentong walang kuwenta ang lahat.
Matatandaan na matapos dakpin si Hesus ng mga sundalong Romano ay tatlong beses na itinatwa ni Simon Pedro si HesuKristo sa pagsasabing hindi niya Ito kilala. (Mateo 26:31-35)
Kaya hindi nakapagtatakang tatlong beses ding tinanong ni Hesus si Pedro kung iniibig ba Siya nito at kung totoong iniibig Siya ng masabing Alagad ay dapat niyang alagaan at pakainin ang kaniyang mga tupa. (Juan 21:15-17)
Si Hesus ay papunta na sa ating Amang nasa Langit kaya kailangan Niya ng katiyakan na magagampanan ni Pedro ang tungkuling iiwan Niya sa balikat nito. Ito ay sa pamamagitan ng pagkalinga sa mga taong nagugutom at nangangailangan ng tulong.
Walang pinagkaiba ito sa isang taong malapit nang lumisan sa mundong ibabaw at inihahabilin ang mga tungkuling kailangang gampanan ng kaniyang iiwang Anak.
Ipinagkakatiwala ni Hesus kay Pedro ang tungkuling ito para mawalan man Siya ay maipagpapatuloy ng Kaniyang mga Alagad ang mga gawain niya sa pamamagitan ng Ministeryo.
Ang Ebanghelyo ay isang hamon para sa atin. Kaya rin ba nating panindigan ang ating pag-ibig kay HesuKristo sa pamamagitan ng pagtulong sa ating kapuwa?
Kung makakaharap mo ang Diyos at tanungin ka din Niya ng tatlong beses kung iniibig mo Siya gaya ng pagtatanong niya sa Alagad na si Simon Pedro, ano ang itutugon mo?
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus nawa'y makaya naming panindigan ang aming pag-ibig sayo. Hindi sa pamamagitan ng salita kundi sa gawa. AMEN.
--FRJ, GMA News

