Si Hesus ang pundasyong bato na nagpapatibay sa ating pananampalataya sa harap ng mga pagsubok sa buhay (Lucas 6:46-49).
NGAYONG panahon ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang pinanghihinaan na ng loob at nawawalan ng pag-asa.
Patuloy kasi ang pagdami ng mga nagkakasakit at namamatay. Hirap pa rin na makabalik sa paghahanap-buhay kaya masasabing hindi pa rin normal para sa marami ang sitwasyon.
Kaya marami talaga ang panghihinaan ng loob. Subalit kung magiging matatag lamang tayo sa pagtitiwala sa ating Panginoong Diyos, kahit anong tindi ng problemang humagipit sa atin, hind tayo kailanman matitinag at maigugupo.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 6:46-49) para sa ating lahat. Tungkol ito sa dalawang uri ng tao na nagtayo ng kanilang bahay.
Inilarawan ni Hesus sa Pagbasa na ang taong lumalapit sa Kaniya, nakikinig at isinasabuhay ang Kaniyang mga Salita ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato.
Dumating man ang mga mabibigat sa suliranin sa kaniyang buhay, hindi siya kailanman matitinag dahil ang pundasyon na nagpapatibay sa kaniya ay walang iba kundi ang ating Panginoong HesuKristo mismo. (Lk. 6:47-48).
Sa halip na pahinain ng mga problema ang ating pananampalataya sa Diyos, gamitin na natin ito bilang kasangkapan para lalo pang lumalim ang ating pananalig sa Panginoong Diyos.
Dahil alam natin sa ating mga sarili na tayo ay nakatindig sa pundasyon na ginawa ng Diyos at hindi Niya tayo pababayan.
Subalit kung mahina ang ating pananampalataya sa Diyos, hinahayaan natin lamunin tayo ng mga problema at nararamdaman natin ang sobrang kapighatian at kawalan ng pag-asa sa buhay.
Magiging katulad tayo ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon sa buhanginan. Kaya nang bumugso ang tubig sa bahay, kaagad itong bumagsak at tuluyang nawasak. (Lk. 6:49)
Ang mga taong walang pananalig sa Diyos, sino ang maaari nilang takbuhan at hingan ng awa? Kahit maliit na suliranin lamang, ang pakiramdam nila ay katapusan na ng mundo.
Hindi nila alam na may Panginoon na maaari nilang kausapin at hingan ng tulong anumang oras. Handang makinig sa kanilang hinaing upang mailabas ang bigat ng damdamin na sasabog sa ating kalooban.
Itinuturo ngayon sa atin ng Ebanghelyo na tumulad tayo sa taong nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Sapagkat kung matibay ang ating pananalig sa Diyos, hinding-hindi tayo kayang ibagsak ng problema.
Manalangin Tayo: Panginoon, sisikapin po namin na kami ay maging matatag sa harap ng aming mabibigat na problema. Dahil Ikaw ang pundasyong bato na nagpapatibay sa aming pananampalataya. AMEN.
--FRJ, GMA News

