Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang babaeng netizen tungkol sa plano niyang pagsasamapa ng annulment case sa dati niyang asawa. Aniya, 11 taon na silang hiwalay at nais niyang gamitin ang apelyido niya sa pagkadalaga.
Ayon kay Atty. Conrad Leaño, maaaring magkaproblema ang ginang sa pagsampa ng annulment kung hindi na niya nakakausap ang dati niyang asawa. Kasama raw kasi sa proseso na pinaiimbestigahan ng korte sa piskal ang pagtiyak sa address ng lalaki.
Kung manghuhula lamang ng address ang ginang para gumulong ang proseso, may posibilidad na mabasura ang kaso.
Nilinaw din ni Atty. Leaño na hindi sapat ang pag-iwan o abandonment lamang bilang ground sa annulment.
Kadalasan nang dahilan ang "psychological incapacity" para sa annulment, pero magiging depende ito sa kung paano tinrato ng kaniyang asawa ang ginang.
"Abandonment alone might not be sufficient might not be sufficient for you to say na psychologically incapacitated 'yung lalaki," ani Atty. Leaño.
"Kinakailangan talaga is matinding ebidensya na magpapatunay na 'yung abandonment na 'yun leads to psychological incapacity para tumayo ang kaso mo," dagdag pa ng abogado.
Sinabi ni Atty. Leaño na paiba-iba ang hatol ng mga hukuman tungkol sa annulment. May mga nagluwag na sa pagbibigay nito, ngunit mayroon pa ring "by the book" sa pagproseso ng annulment dahil ang kasal ay isang espesyal na kontrata.
Panoorin ang buong talakayan sa proseso ng annulment sa video na ito ng "Sumbungan Ng Bayan."
--FRJ, GMA News
