May iba't ibang dahilan ang ilang mga nagsasama sa iisang tahanan kung bakit hindi pa sila nagpapakasal. Ngunit kung sakaling maghihiwalay sila, paano nga ba ang kanilang hatian sa mga ari-arian at ano ang kanilang mga karapatan?

Sa "Kapuso Sa Batas," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, ang legal na hatian sa ari-arian ay dedepende sa dahilan kung bakit hindi pa nagpapakasal ang isang magkarelasyon.

May mga magkarelasyon na hindi maaaring magpakasal dahil sa mga legal na rason, gaya na lamang kung sila ay first cousins, o kung kasal na sa iba ang isa sa kanila.

Sa kanilang kaso, makukuha lamang nila ang kanilang karapatan base sa kanilang inambag sa pagpundar sa mga ari-arian.

ADVERTISEMENT

Isang halimbawa ang lalaki na nagpuhunan sa isang lote ng lupa habang nasa bahay lamang ang kinakasama niyang babae. Ang babae ang gumagawa ng gawaing bahay pero walang naiambag na pinansyal sa pagbili ng lupa.

Kung sila ay maghihiwalay, walang karapatan ang babae sa lupa, ayon sa Article 148 ng Family Code.

Ngunit ang probisyon naman ng Article 147 ng Family Code ang iiral kung ang maaaring mag-asawa ang nagsasama pero ayaw lang nila.

Ayon sa probisyon, lahat ng suweldo o kinita sa negosyo ng dalawang nagsasama, pati na rin ang ari-arian na binili nila, lahat ay pantay nilang hahatiin, kahit walang aktwal na kontribusyon ang isa sa kanila.

Kung hindi nagtatrabaho ang isa sa kanila at nasa bahay lamang dahil siya ang gumagawa ng gawaing-bahay, ang "love, care and affection" ay maikokonsidera na bilang puhunan.

Sa mga mag-boyfriend-girlfriend na nagpundar ng gamit, maibabalik sa bawat isa ang kanilang naipundar, alinsunod sa rules of co-ownership.

Kung ang investment naman ay sa negosyo, iiral ang napagkasunduan na makukuha, tulad ng umiiral sa mga napagkasunduan ng business partners.
Para sa buong pagtalakay sa naturang usapin, panoorin ang video. --FRJ, GMA News