Bahagi ng healthy relationship ng mag-asawa ang pagtatalik. Pero papaano na kapag tumamlay ang kanilang loving-loving? Bakit nga ba may mga taong nawawalan ng gana sa sex. Paalala, maselan ang paksa.

Sa programang "Pinoy MD," ilang tao ang tinanong kung bakit nga ba nawawalan ng gana sa pakikipag-sex ang isang tao. Ang karamihan sa kanilang sagot: pagod.

Libido ang tawag sa sex drive o pagnanais ng isang tao na makipagtalik. Kung mababa ang libido ng isang tao, mababa rin ang gana niya sa sex

Ayon kay Dra. Joan Mae Rifareal, isang psychiatrist, marami ang posibleng dahilan ng pagbaba ng libido ng tao.

Kasama diyan ang sub-mind, psychological, emotional, physical, body, pati na rin ang medication o iniinom na gamot, at quality ng relasyon ng mag-partner.

Inihayag pa sa Pinoy MD, na nakaapekto rin sa pagbaba ng sex drive ang hormone. Kapag sobrang stress o problemado sa maraming bagay, tumataas ang cortisol level at bumababa naman ang serotonin o happy hormone.

Apektado rin ang dopamine na tinatawag na plessure chemical.

Kung minsan, bumababa rin umano ang oxytocin o love hormone, na nakakapagbaba ng sex drive ng isang tao.

Sinabi ng isang obstetrician na mas mataas ang libido ng babae kapag buntis ito. Pero kapag nanganak na, bababa na ang libido dahil bumababa na rin ang kaniyang hormone, partikular ang estrogen.

Posible rin na maging dahilan para mawalan ng gana sa sex ang pag-inom ng babae ng contraceptives pills.

Ayon sa isang urologist, maraming dahilan kung bakit nawawalan naman ng gana sa sex ang isang lalaki lalo na nagkakaroon siya ng erectile dysfunction.

Ang pagkakaroon ng erectile sa maselang bahagi ng katawan ng lalaki ay depende sa kalagayan ng sirkulasyon sa kaniyang dugo.

Pero hindi naman niya inirerekomenda ang pag-inom ng gamot para makatulong sa pagtigas ng pagkalalaki dahil may kaakibat itong side effects.

Alamin kung ano ang mga natural na paraan para mapataas ang libido ng tao, at sino nga ba ang madalas na tumanggi sa pakikipagtalik, babae o lalaki?

Panoorin ang buong talakayan sa video.

--FRJ, GMA News