Sa programang "Sumbungan ng Bayan," tinanong ng isang netizen kung ano ang maaaring ireklamo sa kaniyang kompanya na lagi umanong delayed ang sahod. Bukod dito, wala rin daw silang natatanggap na benepisyo.

Ayon kay Atty. Dave Machica, binigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng batas ang regional offices ng Department of Labor and Employment (DOLE) para masigurong sumusunod sa minimum standards ng Labor Law ang mga kompanya.

Mayroon silang dalawang kapangyarihan: ang visitorial power at enforcement power.

Pagdating sa visitorial power, maaaring pumunta ang mga tauhan ng regional office ng DOLE para utusan ang mga establisimyento na ilabas ang records ng pasuweldo at suriin kung sumusunod ito sa mga itinalaga ng batas na overtime pay, holiday pay at benefits.

Sa ilalim naman ng enforcement power ng DOLE, maaari nilang pilitin ang establisimyento na pasundin ang labor law, at kung hindi ay makatatanggap ito ng mga parusa.

Sinabi pa ni Atty. Machica na hiwalay pa ito sa labor cases na isinasampa sa labor arbiter.

Dagdag naman ni Atty. Kris Gargantiel, na kung hindi nasusunod ng employer ang paghuhulog ng mandatory contributions ng empleyado tulad ng Social Security System o Pag-IBIG o PhilHealth, kailangan itong isumbong ng empleyado sa SSS, Pag-IBIG o sa PhilHealth mismo, at hindi sa Labor department.

Nilinaw din ni Atty. Gargantiel na dapat nasa ilalim sila ng isang employer-employee relationship, kung saan may power to dismiss ang kompanya, may kakayahan itong magbayad ng sahod at kapangyarihang mamili ng mga empleyadong tatanggapin, at power to control sa proseso ng trabaho ng empleyado.

Pero kung walang employer-employee relationship, maaaring magreklamo ang mga empleyado sa mga korte.

Idinagdag ni Atty. Gargantiel, na kung hindi alam ng manggagawa kung saan sila maaaring lumapit para magreklamo, maaari umanong dumulog ang mga ito sa Integrated Bar  of the Philippines (IBP) o sa Pubic Attorney's Office (PAO).

--FRJ, GMA News