Isang isla sa Eastern Samar ang dinadayo ng mga turista dahil sa ganda ng lugar at mga perlas na binabantayan ng mga awtoridad. Maihihilera kaya ang mga ito sa mga pinakamahal na perlas sa buong mundo?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagkakahalaga ng P500,000 hanggang P5 milyon ang ilan sa mga de-kalidad at mga mamahaling perlas na makikita sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Sa Eastern Samar, isang isla ang tinawag na Pearl Island (Katican Island) dahil inaalagaan dito ang mahigit 1,000 talaba na hindi raw padadaig ang kinang at ganda ang mga perlas kumpara sa iba.

ADVERTISEMENT

Mararating ang naturang isla matapos ang halos kalahating oras na biyahe sa karagatan mula sa bayan ng Guian. 

Puting-puti ang dalampasigan at ubod nang linaw ang tubig. Ngunit hindi basta-basta mapupuntahan ang isla dahil kailangan munang humingi ng permiso muna sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang lugar kasi, idineklarang protected area kaya binabantayan sa loob ng 24 oras.

Ang mga perlas, nakakubli sa ilalim ng karagatan sa lalim na 20 talampakan at limang metro ang layo mula sa dalampasigan.

Inaani ang mga perlas pagkaraan ng 18 buwan. Bagaman sinasabing pang-world class daw ang mga perlas, aabot din kaya sa daang libo o milyon ang halaga nito o masasabing kaya ng bulsa ng masa? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA News