Sumisid na single pero umahon na in a relationship ang isang lalaki at isang babae matapos mabuo ang kanilang pag-iibigan dahil sa freediving sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni JP Soriano, sinabing nagkrus ang landas nina Mina Lanceta at Jan Andrei Suico sa dagat ng Kon Tiki Marina ng naturang lungsod dahil pareho nilang nakahiligan ang freediving.

"I was with my friends doing fun dives and she was with her group doing line training. Tapos 'yung pinsan ko lumapit sa kanila, tinawag ako," kuwento ni Jan Andrei.

"First impression ko sa kaniya ay medyo bad boy, but friendly naman siya. Kasi kinukunan ko siya eh, laging naka-cap, laging nakaporma tapos laging nagpapakita ng abs," sabi ni Mina.

Dito na nabuo ang mabuting pagsasamahan nina Mina at Jan Andrei dahil sa freediving, na isang uri ng underwater diving na walang ginagamit na aparato para makahinga sa ilalim ng dagat.

Ang freediving din ang nagsilbing bonding at stress reliever nina Mina at Jan Andrei mula sa trabaho.

Nagtatrabaho sa project control services at isang part-time yoga instructor si Mina, habang isang publishing consultant naman si Jan Andrei.

"Freediving takes us back to where we were before," ani Jan Andrei.

"Sa freediving kasi it's a rule that we should not dive alone," ayon naman kay Mina.

"Noong nagte-training ako, nagpapa-certify ako, lagi siyang nandoon, naging safety ko at naging buddy ko na rin. Doon nag-grow ang aming relationship," dagdag ng dalaga.

Bukod sa kanilang level-up skills sa Molchanovs Wave 2 freediving, magdidiwang na ng kanilang anniversary sina Mina at Jan Andrei ngayong Mayo.

Napapa-"Sana all" naman ang netizens sa sweet videos underwater na paandar sina Mina at Jan Andrei, na kinukunan ng kanilang kaibigan na si CJ Godon.

"Nakita ko 'yung video nina Mina, na-amaze ako kung gaano sila kagaling underwater. Kaya 'yung ginawa ko is nag-chat ako sa kanila, 'Possible po ba na puwede kaming mag-collab," sabi ni CJ.

Mula noon, opisyal nang third wheel nina Mina at Jan Andrei si CJ.

"Noong umikot po sila sa video, nakatingin lang ako sa kanila, nakapagsabi po ako na 'Sana all!'" sabi ni CJ.

"Kusa lang siya eh," sabi ni Jan Andrei.

"Talagang hindi namin in-expect. Hanggang sa ngayon nagtataka pa kami bakit," sabi ni Mina.

"Sadyang 'yan lang talaga 'yung lumalapit sa iyo, you don't need to find it," dagdag ng binata.

"Do what you really love to do and you share it with someone, diyan talaga may nabubuo," sabi ni Mina. —VBL/FRJ, GMA News