Nakararamdam ng matinding hilakbot ang isang pamilya sa Rizal dahil sa mga kakaibang nilalang na pinaniniwalaan nilang kasama nila sa bahay. Ang posible raw na pinanggalingan ng mga elemento, ang puno ng acacia na nasa tapat ng bahay at maling puwesto ng salamin na nasa ilalim ng hagdan.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Oscar Oida, sinabi ng 25-anyos na si Mark Jhon Guzman, na maging ang kanilang mga kapitbahay ay nakararamdam din umano ng takot dahil sa isang malaking puno ng acacia.

Ikinuwento ni Mark ang hindi pangkaraniwang pangyayari tungkol sa isang matanda na dating nakatira sa kubo na nasa ilalim ng nasabing puno.

Ayon kay Mark, pauwi siya noon galing sa trabaho dakong 3:00 a.m. nang makausap niya sandali ang naturang matanda na si Tatay Romy bago siya pumasok ng bahay. 

Pero pagkagising niya, ibinalita sa kaniya ng ina na namatay si Tatay Romy dakong 9 p.m. noong nakaraang araw.

"Ha? Kinausap niya lang ako kinaumagahan kaninang pag-uwi ko. Paanong namatay?," nagtataka niyang kuwento.

Matapos nito, unti-unti nang mapansin ni Mark ang mga pagpaparamdam maging sa kanilang bahay.

"May iba't ibang naririnig. Nakakaramdam na ako ng pamilyang tumatakbo sa itaas. Naririnig mo nagbubulungan. Tapos worst thing na na-feel mo is nakikita mo na siya. Pero hindi ko ma-figure out 'yung hitsura," sabi ni Mark.

Sabi naman ng tatay ni Mark na si Conrad, "Naramdaman ko talaga si commander (misis) dumaan sa gilid ko. Pagtayo ko, ako lang mag-isa."

"May naririnig ako na salita. Minsan nananaginip ako, 'yung parang bangungot, babae ang nakikita ko talaga," sabi naman ng nanay ni Mark na si Eleanor.

Nang puntahan ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang bahay nina Mark, napansin niya ang salamin sa ilalim ng hagdan na nakahihikayat din umano ng mga elemental.

Sa ikalawang palapag naman ng bahay, may nakitang "babae" si Ed. Habang nagpapaliwanag si Ed sa sitwasyon, bigla na lamang may nahulog na suklay kahit wala namang tao na naghagis.

Paliwanag ni Ed, bukas ang third eye ni Mark kaya sinusundan siya ng mga espiritu.

"Hindi sila nandito dahil gusto nilang mag-stay dito, nandito sila dahil gusto nilang humingi ng tulong sa iyo," paliwanag ni Ed sa binata nang magsagawa sila ng orasyon.

Dito, inamin ni Mark na nagsagawa sa kaniya ng orasyon ang kaniyang lolo noong nasa probinsya siya. Simula noon, si Mark lang umano ang nakakakita sa kaniyang lolo nang pumanaw na ito.

Nagtungo rin sina Ed at Mark sa puno ng acacia at nagsagawa ng alay, kung saan sinabi ni Mark na hindi niya magagawang tulungan ang mga elemento.

Ipinatingin din ni Ed si Mark sa kaniyang repleksyon sa salamin, kung saan nakita sa ikatlong repleksyon na iba ang mukha ni Mark na tila mas bata. At dito, sumilip umano ang lolo ni Mark.

Tunghayan sa "Dapat Alam Mo!" ang payo ni Ed tungkol sa pagsasara ng third eye ni Mark, at sa mga taong mahilig sa ghost hunting.--FRJ, GMA News